PatrolPH

Mga katutubong nasalanta ng Quinta di pa rin nahahatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 05:36 PM | Updated as of Nov 02 2020 11:39 PM

Mga katutubong nasalanta ng Quinta di pa rin nahahatiran ng tulong 1
Nasalanta ng bagyong Quinta ang komunidad ng mga katutubong Mangyan sa Naujan, Oriental Mindoro. ABS-CBN News

Sinimulan nang itayo ngayong Lunes ng mga katutubong Mangyan ang kanilang mga bahay sa Barangay Paitan sa Naujan, Oriental Mindoro na nasira noon pang bagyong Quinta.

Pero idinaing ng mga katutubo na sa kabila ng pagdaan ng Quinta at Rolly ay hindi pa rin sila nakakatanggap ng ayuda.

"Kahit pagkain lang naman, 'yan ang gusto naming tulong. Gutom na halos, hindi na kami makalakad sa hirap," anang residenteng si Dionisio Ramonay.

Sa mga pananim gaya ng mga saging umaasa ang mga katutubo pero itinumba na ito ng bagyo.

"'Yong mga maliliit na saging na lang na makakain, 'yon na lang po makukuha ng mga bata, pagkain din," sabi naman ni Florencio Saballa.

Ayon kay Bernardo Lintawagin Jr., chairperson ng Barangay Paitan, 4 na sitio pa ang hindi nararating dahil sa dami ng mga natumbang puno.

Kung lalakarin papunta sa mga komunidad, 3 araw umano ang aabutin at mataas din ang tubig sa ilog kaya walang makatawid.

Watch more on iWantTFC

Nasa 120 pamilya ang nangangailangan ng tulong sa mga nasabing sitio.

"Kami po sana ay tulungan kahit na po 'yong panandaliang pagkain lang ho sana habang kami ay muli nagtatanim," ani Lintawagin.

Ayon sa Naujan Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO), 5 barangay ang hindi pa mahatiran ng tulong dahil sa hirap ng daan.

Kasama umano rito ang Banuton, Caburo, Malvar, Montelago, at Paitan.

"Pinaghahanda na kami ni mayor at bukas po baka sakaling madalhan na sila," ani Joery Gereleo, tagapamuno ng Naujan MDRRMO.

"Buwis buhay po pagtawid sa ilog, mahirap magsakripisyo," aniya.

Hirap din umano sa pondo ang lokal na pamahalaan dahil sa pandemya kaya kailangang matiyak muna kung sino ang mga dapat tumanggap ng tulong sa mga nasalanta ng Quinta.

Mabuti rin umano na hindi nagdulot ng dagdag na pinsala ang nagdaang bagyong Rolly sa bayan.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.