Libo-libong taga-Metro Manila nagpalipas ng magdamag sa evacuation centers

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 11:48 AM | Updated as of Nov 02 2020 01:24 PM

Pasilidad sa Barangay Santolan, Pasig kung saan pinalikas ang mga residente bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng bagyong Rolly noong Nobyembre 1, 2020. Retrato mula sa Pasig City Disaster Risk Reduction Management Office.

Kahit hindi direktang tinamaan ng bagyong Rolly ang Metro Manila noong gabi ng Linggo, nanatili pa rin sa evacuation center sa magdamag ang libo-libong inilikas mula sa mga danger zone.

Sa Pasig City, dumaan sa thermal scanning at nag-physical distancing ang halos 400 residente ng Barangay Santolan nang dalhin sa covered court. Inilikas sila lalo at malapit ang kanilang mga tirahan sa ilog.

Dahil sa pandemya, isa-isang pamilya ang nakapuwesto kada cubicle sa 2 palapag na covered court.

Watch more in iWantTFC

"Baka mamaya mag-apaw ang tubig. Kung-aapaw 'yong tubig, mata-trap kami sa second floor. Kaya nagdesisyon na kami [mag-evacuate] dito," anang inilikas na si Marjorie Lecno.

Pero nitong umaga ng Lunes, pinauwi rin ang mga taga-Barangay Santolan.

Sa Muntinlupa, higit 6,000 residente naman ang inilikas sa Barangay Poblacion at Cupang.

Sa Quezon City, nagpalipas ng gabi sa modular tents at silid-aralan ang nasa 500 pamilya sa Barangay Bagong Silangan at Tatalon, na inilikas sa mga danger zone gaya ng gilid ng San Mateo River.

Sa Tondo, Maynila, pinakiusapan pa ng mga pulis ang mga lumikas sa Rosauro Almario Elementary School na huwag umalis sa kani-kanilang tent dahil sa curfew at banta ng COVID-19.

Isa sa mga lumikas sa Maynila si Racquel Francisco, na sa hallway ng paaralan na lang natulog.

Nailang kasi siya dahil may ilang modular tent na pinagkakasya ang 4 na pamilya, lalo na kung magkakamag-anak.

Higit 1,000 pamilya o 4,000 tao na taga-coastal area ang dinala sa mga evacuation center sa buong Maynila noong gabi ng Linggo.

Kinaumagahan, pinakain sila at binigyan ng relief goods bago pinauwi.

May mga nagliwaliw at nanghuli pa ng isda sa binansagang "Baseco Beach," lalo't wala na ang bagyo.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.