Damage assessment, isinasagawa na sa Catanduanes

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 06:22 PM

Nagsasagawa na ng damage assessment ang Philippine Coast Guard (PCG) at Office of Civil Defense sa Catanduanes, na isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng bagyong Rolly. Retrato mula sa PCG

MAYNILA — Nagsasagawa na ng damage assessment ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Office of Civil Defense sa Catanduanes, isa sa pinakamatinding sinalanta ng bagyong Rolly nang dumaan ito sa bansa noong Linggo.

Lumapag ngayong Lunes ang mga tauhan ng PCG at OCD sa Catanduanes para suriin ang pinsalang iniwan ni Rolly, na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.

Aerial video ng Philippine Coast Guard ng Catanduanes.

Sa assessment matutukoy ang mga komunidad na pinakanaapektuhan ng bagyo, at nangangailangan pa ng relief supplies at tulong medikal, ayon sa PCG.

Bukod sa mga doktor, sakay rin sa PCG ang mga communication personnel na may dalang high-frequency radios at portable transmitters para makatulong sa pagpapanumbalik ng telecommunication signal sa probinsya.

Una nang sinabi ng OCD na magpapadala rin ng food packs sa Catanduanes sa lalong madaling panahon.

Madaling araw ng Linggo nang mag-landfall sa Catanduanes ang Rolly, na noo'y isang super typhoon.

Ayon kay Catanduanes Governor Joseph Cua, hindi bababa sa 5 ang nasawi sa lalawigan dahil sa bagyo.

Aabot naman sa P400 milyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng Rolly sa abaca, isa sa mga pangunahing produktong agrikultural ng lalawigan, sabi ni Cua.

Nasa P200 milyon naman ang halaga ng pinsala sa ibang pananim, anang gobernador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.