Tsunami app, drills kasado na para sa World Tsunami Awareness Day

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2019 01:35 PM | Updated as of Nov 02 2019 02:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nakatakdang maglungsad ng bagong web application ang Phivolcs na makatutulong sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang kahandaan para sa tsunami.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum Jr., ang Tsunami Analytics app ay magagamit ng mga LGU upang makapaghanda ng tama.

"Para matandaan at maunawaan ng local government ano ba talaga 'yung posibleng mangyari sa kanilang lugar pagdating sa tsunami," pahayag ni Solidum sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga.

Ang launching ng app ay isasabay sa paggunita ng World Tsunami Awareness Day sa Martes, Nob. 5.

Ang online application ay tulad ng nauna na nilang nailunsad na HazardHunterPH nitong Hulyo na nagbibigay ng hazard information at assessment sa isang partikular na lugar.

Sa Martes din ay magkakaroon ng programa sa Phivolcs auditorium sa Quezon City na magpapakita ng mga naganap na tsunami sa iba't-ibang lugar at kung ano ang ginawa ng mga lokal na pamahalaan upang mapaghandaan ito.

Ang pakikiisa ng Pilipinas sa paggunita sa World Tsunami Awareness Day ay isang paraan para mapataas ang kahandaan at kaalaman ng publiko pagdating sa tsunami, o ang pagbugso ng tubig mula sa dagat patungo sa lupa matapos ang isang lindol.

Ito ay tugon na rin sa mga naglalabasang maling impormasyon hinggil sa pagkakaroon umano ng tsunami matapos ang mga malalakas na paglindol na naranasan sa Mindanao.

"Ito ay imposibleng mangyari sa lugar na iyon dahil sa Cotabato earthquake, sa lupa naman 'yung lindol. Pangalawa, 'di pa sapat 'yung magnitude--sakaling sa dagat 'yun--hindi naman malaki yung magnitude na naidulot niya at 'yung earthquake na idinulot sa Cotabato ay pahalang hindi pa-vertical na kailangan natin sa ilalim ng dagat upang mapaangat ang tubig at magsimula ng tsunami," paliwanag ni Solidum.

Ilan sa kanilang naobserbahan hinggil sa pagkakaroon ng tsunami ay ang tinatawag nilang "shake, drop, at roar."

Nagaganap ang isang tsunami kung malakas ang paglindol o “shake”; mabilis o bigla ang pagbaba ng tubig o “drop”; at kung ang pagbalik ng alon ay may kakaibang ugong o “roar.”

"Talagang kailangang ihanda ng mga local government ang mga baybayin na pipili na ng matataas na lugar na gagamitin para sa tsunami evacuation," sabi niya.

Dapat din na ang lugar na mapipili ay hindi mapanganib sa landslide at kailangang mai-map out ang ruta para mas mabilis na makapunta sa evacuation area ang mga residente.

"Minsan, pagkatapos ng isang lindol at malapit sa baybayin 'yung earthquake epicenter dumarating na po ang tsunami in 2-5 minutes after the earthquake, or up to 30 minutes," paalala ni Solidum.

Ganito aniya ang nangyari sa magnitude 8.1 na lindol at tsunami na naganap sa Sultan Kudarat o Moro Gulf noong taong 1976.

"Maraming namatay doon 8,000. Two to 5 minutes nandiyan na. Sa Mindoro, 5 minutes nandiyan na unang tsunami. Mabilis talaga 'yung kilos," sabi niya.

Dagdag niya na ang tsunami ay hindi lamang isang wave o malaking alon na darating sa dalampasigan.

"Nung Moro Gulf earthquake at tsunami siguro mga 5 hanggang 7 waves ang umabot sa dalampasigan," sabi niya. Pinakamataas nito ay umabot sa 9 meters o katumbas ng 3 hanggang 4 na palapag na gusali.

"Isipin ninyo na lang one meter or greater delikado na sa buhay ng tao 'yan," saad niya.

Kabilang sa nakalatag na programa para sa World Tsunami Awareness Day ay ang pag-test sa evacuation plan ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng last quarter nationwide simultaneous earthquake drill sa Nobyembre 15 na gagawin ang pangungunang programa sa Mindoro.

"Kakaiba po itong drill na ito. Maliban doon sa pagde-drill habang lumilindol, magkakaroon din ng evacuation drill para naman sa tsunami sa mga baybaying lugar," sabi niya.

Bago ang drills, ilang aktibidad din ang gaganapin sa Mindoro sa Nob. 12 at 13 para sa paggunita sa Mindoro earthquake at tsunami noong Nobyembre 2014 na kumitil sa tinatayang 80 buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.