Mga naapektuhan ng lindol sa Cotabato nagmakaawa ng ayuda sa kalsada

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2019 02:40 PM | Updated as of Nov 02 2019 07:57 PM

(UPDATE) Sa mismong highway sa Makilala, Cotabato idinaan ng ilang nasalanta ng sunod-sunod na lindol sa Mindanao ang panawagan nilang matulungan at mabigyan ng ayuda. 

Bitbit ang mga placard, kumakaway ang mga residente sa ilang dumaraan na motorista para magmakaawa ng tulong. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinusubukan din ng ilang kabataan na kunin ang pansin ng ilang dumaraan na sasakyan. 

Hindi pa malinaw kung bakit hindi naabutan ng ayuda ang mga nasabing residente. 

"Please po tulungan niyo po kami. Kung sinong may puso, tingnan niyo na lang po kalagayan ng bawat isa na nandito ngayon," panawagan ng residenteng si Melanie Inoc.

Sa mga karatula ay isinulat nila ang kanilang mga kailangan tulad ng bigas, gamot, tubig, at pansamantalang matutuluyan.

May ilan namang sasakyan na tumigil para mabigyan ng tinapay, pera, at cup noodles ang ilang biktima ng lindol na namamalimos sa daan. 

Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong alas-6 ng umaga Sabado, aabot sa 6,850 ang bilang ng mga residenteng mas piniling manatili sa labas ng evacuation center. 

Nasa 20,635 naman ang namamalagi sa iba't ibang evacuation center sa Mindanao, ayon sa ulat. 

Tatlong malalakas na lindol ang yumanig sa Mindanao sa nakalipas na 3 linggo, ang pinakahuli ay naitala noong Oktubre 31.

Watch more in iWant or TFC.tv

Retrieval ops panawagan sa gumuhong bundok 

Sa parehong bayan, nananawagan naman ang mga naninirahan sa Bundok Bagasao na hukayin ang mga bangkay na natabunan ng landslide.

Ayon sa mga awtoridad, 4 ang nailibing nang buhay nang gumuho ang halos 50 ektaryang bahagi ng bundok noong Oktubre 29. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayuda

Puspusan naman ang pamamahagi ng ayuda sa iba pang lugar. 

Ang ilang nasa evacuation centers sa Makilala, nananatili sa mga tent, gayundin ang ilang nasalanta ng lindol sa Digos City at Magsaysay sa Davao Del Sur. 

Nagsanib-puwersa din ang Philippine Coast Guard at Department of Social Welfare and Development sa pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng lindol sa Cotabato at Davao Del Sur. 

Sa Davao Del Sur din namahagi ng ayuda ang Philippine Red Cross at ang aktres na si Angel Locsin, na pinuri ng netizens. 

"It's a big help for those who are affected especially now na ang dami nating dapat tulungan, and Angel Locsin is a volunteer of Red Cross, everytime may disaster even in other areas, Angel Locsin is always there. The Darna is always there," ani Helen Caberto, Red Cross chapter administrator ng probinsiya 

Sa bayan ng Tulunan, nagpatayo ng temporary learning spaces ang mga residente matapos maapektuhan ng mga lindol ang walong paaralan sa lugar.


—Ulat nina Ron Gagalac, Kristine Sabillo, Dennis Datu, Lore Mae Andong, at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.