#Undas2018: Hustisya hiling ng mga namatayan, nawalan bunsod ng mga trahedya

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2018 10:02 PM

Patuloy na dumagsa nitong Biyernes, Nobyembre 2, ang libo-libong tao sa iba't ibang sementeryo para gunitain ang Undas sa piling ng mga yumaong mahal sa buhay. 

Gayunpaman, mas kaunti ito kumpara sa lagpas 2 milyon na dumalaw noong Huwebes sa mga sementeryo sa Kamaynilaan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero kung kumonti ang bilang ng tao sa maraming sementeryo, aabot naman sa 500,000 ang mga bumisita sa mga sementeryo sa Angono, Rizal nitong Biyernes. 

Paliwanag ng ilan na nakasanayan na ng mga residente ang pagdalaw sa mga namayapa sa araw ng mga kaluluwa kaysa sa araw ng mga santo.

HUSTISYA PANAWAGAN PA RIN NG ILAN

Pero may iba pa ring nagdadalamhati at humihiling ng hustisya para sa mga namaalam na kaanak bunsod ng iba't ibang trahedya. 

Nanawagan ng hustisya ang mga kaanak ng "SAF 44" na namatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015. 

Kahit na 2015 pa nangyari, sariwa pa rin ang sakit na nararamdaman ni Dexter Danao sa sinapit ng kapatid na si Walner. 

"Gusto ko mag-move on kaya lang pagdating ng January 25, nagre-recall na naman 'yung nangyayari sa kaniya," ani Danao. 

Watch more in iWant or TFC.tv


Habang dagsa sa sementeryo ang mga bumibisita para sa Undas, nag-alay naman ng bulaklak at kandila ang mga kaanak ng mga desaparecidos na hanggang ngayo'y naghahanap pa rin sa mga nawawalang mahal sa buhay.

Humagulgol si Erlinda Cadapan sa pag-alala sa anak na si Sherlyn, na isa sa dalawang estudyante ng University of the Philippines na nawala noong 2006. 
 
Kahit pa nahatulan na si dating Army Major General Jovito Palparan sa pagdukot ng kaniyang anak, masakit pa rin kay Cadapan na hindi niya alam ang sinapit nito. 

Panahon ni dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos Sr. nang nagsimulang magkaroon ng mga desaparecido, at bawat administrasyon ay may "nawawalang" kadalasan ay mga lider-aktibista. 

Ayon sa grupong Karapatan, taon-taon nilang aalalahanin ang mga mahal sa buhay sa panahon ng Undas, lalo't umaasa ang ilan sa kanila na buhay ang mga nawawalang kaanak. 

-- Ulat nina Angel Movido, Adrian Ayalin, at Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.