Retrieval ops sa Natonin pinalawak; mga bahagi ng katawan narekober

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2018 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


Pinalawak pa ang sakop ng paghahanap sa mga nawawala sa landslide sa Natonin, Mountain Province nitong Biyernes.

Martes nang gumuho ang ginagawang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita kung saan natabunan ang mga construction worker at residente.

Nitong Biyernes ng umaga ay nakagawa na ng butas sa landslide area kaya nararating na ng mga sasakyan ang Barangay Banawel o 'yung ground zero. 

Gayunpaman, kailangan doblehin pa rin ang ingat dahil madulas pa rin ang kalsada.

Mula sa ground zero, isolated pa rin ang Poblacion o ang sentro ng bayan dahil sa napakalalaking mga landslide.

Ilang bahagi na lang ng gusali ang mababakas sa ground zero at mano-mano itong binubutas para hanapin ang posibleng mga na-trap sa loob. May mga K-9 na rin na ginagamit sa paghahanap.
    
Ayon sa lokal na pamahalaan, pinalawak pa ang paghahanap nang halos limang kilometro o hanggang sa ilog sa bayan ng Paracelis dahil may natagpuan doong mga bangkay.

Sa ngayon ay 70 porsiyento na ng search and retrieval team ay nakatutok sa paghahanap malapit sa ilog. Ang 30 porsiyento naman ay nasa may ground zero mismo.

Ngayong araw ay tatlo pang bangkay ang narekober malapit sa Paracelis kaya umabot na sa 11 ang patay at may 17 hanggang 18 pa ang nawawala.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon naman sa mga survivor, natangay na ng landslide sa malalayong lugar ang kanilang mga kasama at wala na sa ground zero. 

Sa ika-3 palapag ng ginagawang gusali ng DPWH umano nila huling nakita ang mga kasamang construction worker bago nangyari ang landslide.

Tila pinaniniwalaan naman ito ng mga awtoridad. 

"Actually meron tayong na-recover kahapon na umabot daw nang two kilometers away so baka halos lahat ng victims ganun kalayo at na-wash out," ani Leutenant Colonel Narciso Nabulneg, incident commander.
 
Pero marami pa ring kaanak ang dumarating sa Natonin tulad ni Whilma Ngilan na umaasang makakapiling pa ang anak.

"Sana maiuwi ko siya, kung buhay man o ano maiuwi ko siya sa amin," aniya. 

Isa-isa nang inilagay sa mga kahoy na kabaong ang ilang labi pero ang iba, parte na lang ng katawan ang nakita.

Pero para kahit paano'y may maiuwi ang mga kaanak, kinuhanan ng Philippine National Police (PNP) ng DNA sample ang mga kaanak at susubukang i-match sa mga nare-recover sa ground zero.

Watch more in iWant or TFC.tv


 
Hirap naman sa pagbangon ang mga taga-Natonin dahil isolated pa rin ang ilang barangay dahil sa landslide.

Ang maraming residente, hindi makabili ng pagkain dahil sarado ang mga daanan at walang tinda sa mga pamilihan.

Si Virginia Foryasen, paaabutin na nang tatlong araw ang isang kalderong kanin at paksiw na isda.

"Hindi kami makalabas. Kasi closed ang daan namin papuntang Santiago... Ang hirap," aniya.

Sarado na rin ang maraming puwesto sa talipapa dahil wala nang maibenta.     

Para makapunta naman sa bayan, hindi bababa sa 10 landslide ang kailangang daanan kaya hirap ang mga residente.
 
Naibalik na naman ang kuryente pero ang kanilang water system ay isang barangay lang ang kayang suplayan kaya sa mga creek na lang sumasalok ang ilan.

Ang relief packs naman, hindi na rin umano tatagal.

Pagkain, gamot, damit, at gasolina ang pangunahing pangangailangan ng mga residente at ng mga rescuer.

Maari naman makipag-ugnayan sa finance committee ng bayan ang mga nais tumulong para sa tuluyang pagbangon ng Natonin.
    

Watch more in iWant or TFC.tv

Habang patuloy ang retrieval operations sa ground zero sa Natonin, isa ang Lingkod Kapamilya sa mga unang nakarating sa isang barangay para maghatid ng tulong.

Nasa 30 kilometro mula sa ground zero ang sitio Dalanao sa Paracelis kung saan nakapag-abot ng tulong ang Lingkod Kapamilya. 

Sa unang pagkakataon naman matapos ang bagyong Rosita, nahatiran rin ng tulong ang barangay Saliok, na may walo hanggang siyam na kilometro lang ang layo mula sa ground zero.

Nasa mahigit 500 pamilya naman mula Barangay Zamora sa bayan ng Cobarroguis at Barangay Billagarcia at San Dionisio sa bayan ng Maddela sa Quirino ang nakatanggap din ng tulong. 

Patuloy ang paghahatid ng food packs sa iba't ibang bayan sa northern Luzon habang nakaantabay ang Lingkod Kapamilya na mapasok ang ground zero sa Natonin.

—Ulat nina Dennis Datu, Ron Gagalac, Michelle Soriano, at Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.