8 truck ng basura, nahakot mula sa Manila North Cemetery

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2018 11:25 AM | Updated as of Feb 02 2020 02:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Aabot sa 8 truck ng basura ang nahakot mula sa Manila North Cemetery matapos ang pagdagsa ng 1 milyong tao doon para sa pag gunita ng Todos Los Santos.

Nakuha mula sa mga puntod, nitso, at gilid ng 50-ektaryang sementeryo ang mga papel, lalagyan ng mga pagkain, kubyertos, at iba pang mga kalat.

"Kahit gabi nililinis ko na para pag sikat ng araw malinis na," sabi ni Rogelio Nadonga, isa sa mga taga-linis ng libingan. 

"Sa ngayon po ang basura truck-truck 'yan kapag inilabas po," sabi niya.

Pinaalalahanan ng pamunuan ng Manila North Cemetery ang mga bibisita na magdala ng sariling trash bag at magtapon ng basura sa tamang lugar.

Ang ibang mga non-government organization ay nagsagawa ng mga clean-up drive upang makatulong sa pagbabawas ng basura sa mga sementeryo ngayong Undas.

Ayon sa Tzu Chi Foundation, ang mga nakokolektang plastic bottle sa sementeryo ay ginagawa nilang kumot na ido-donate sa mga nasalanta ng bagyo.

Simula October 30, nakalikom na ang grupo ng 5 tonelada ng plastic bottle mula sa iba't ibang sementeryo, sabi ni Angelito Isidro, tagapagsalita ng Tzu Chi Foundation.

"Ang mga dyaryo ay pagkanaipon, mabebenta tapos mabibili ng gamot para sa mga nangangailangan," sabi niya.

- ulat nina Isay Reyes at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.