PatrolPH

Publiko, dapat nagkukusang-loob sa pagsunod sa health protocols: pulisya

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2021 07:45 PM

MAYNILA — Tinitiyak ng kapulisan na nasusunod pa rin ang health protocols sa kabila ng pagdagsa ng mga tao sa isang kainan sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng gabi.

Sa mga larawang kuha ng netizen na si Arturo Son, makikitang walang suot na face mask ang ilang tao at hindi nasunod ang physical distancing sa kainang nasa Ugbo St. sa Barangay 96 ng Tondo.

Sinabi ni Manila Police District spokesperson Police Capt. Philipp Ines sa ABS-CBN News, dagsa ang mga tao sa lugar dahil weekend. 

“Mayroon tayong pulis na naka-assign doon… Kaya lang, kahapon kasi, weekend, kaya dagsaan talaga. Aminado naman ‘yung mga pulis natin doon … Dinadayo talaga ‘yung Ugbo. Hindi lang galing sa Manila ‘yan. Mayroon pa pati sa mga neighboring cities, kasama ‘yung mga provinces natin,” sabi ni Ines.

“Nag-maintain tayo ng pulis natin doon. Nataon lang din na may detail ‘yung mga pulis natin, assigned sa ibang lugar. Mayroon pa rin tayong mga pulis roon, pinagtutulungan ito ng mga Barangay 96 tsaka 97,” dagdag pa niya. 

Ayon kay Ines, nakausap na nila ang mga pulis na naka-assign sa lugar at sisiguraduhin umanong nasusunod ang health protocols. 

“Overall, mayroon tayong nakalagay roong sampung pulis. Kaya lang, ‘yung iba na-detail kaya kinulang talaga doon sa lugar na ‘yon. Nakausap ko rin ‘yung kanilang precinct commander,” ani Ines. 

“Mayroon din tayo roong tinatawag na Oplan Paalala. Pinapaalalahanan natin ‘yung mga tao na i-maintain ‘yung social distancing at sumunod pa rin tayo roon sa mga guidelines ng mga IATF kasi mayroon pa rin naman tayong paglaganap nitong COVID-19,” dagdag pa niya.

Paalala ng awtoridad sa mga tao sa mga kainan sa Ugbo St. - dayo man o may-ari ng food stall - na magkusang-loob na magsuot ng face mask at sundin ang physical distancing.

“Hindi pa naman nawawala ito (COVID), kaya dapat maging responsable pa rin tayo… Sa mga tao rin mismo, huwag nating i-asa lahat sa mga pulis. Sobrang dami ng mga tao na ‘yan… Sabi lang natin diyan ay maging responsable lang sana,” sabi ni Ines. 

“Paalalahanan natin ang mga kababayan natin. Hindi kakakayanin ng pulis kung hindi rin nakiki-cooperate ang mga kababayan natin sa sobrang dami nila.”

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.