PatrolPH

Marinduque inalis na sa mga bakunadong biyahero ang COVID test requirement

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2021 04:54 PM

BOAC, Marinduque — Hindi na kailangan ng mga biyaherong papasok o lalabas sa lalawigang ito na magpresenta ng COVID-19 test result kung bakunado na laban sa sakit.

Ito ang inanunsiyo ni Governor Presbitero Velasco Jr. sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Nagbigay rin ito ng konsiderasyon sa mga residenteng lalabas ng lalawigan. Basta’t babalik agad sa loob ng 3 araw ay hindi na rin hihingian ng COVID-19 test result.

“'Yun pong mga residents dito na lalabas, kung hindi ho bakunado, hanggang 3 days ho na puwede kayong bumalik na hindi maga-antigen. Tapos ho, 'pag lumagpas ang 3 araw, dahil hindi ho bakunado ay magpapa-antigen na po," aniya.

“At yung fully vaccinated, kahit lumabas 'yan at magtagal ng ilang araw sa labas, hindi na natin ire-require na mag-antigen, 'yung fully vaccinated.”

Paglilinaw ng opisyal, kailangan ng valid na rason, authorized person outside residence man o non-APOR, kung bakit pupunta sa Marinduque. 

Daraan rin sa pagsusuri ng rural health unit na nasa pantalan upang para matiyak na walang sintomas ng sakit ang sinuman. 

"Kasi ho sa MGCQ, essential travel pa rin ho kailangan. [Dapat may] special reason kung bakit ho kayo babalik," ani Velasco.

Nasa ilalim ng modified general community quarantine ang Marinduque. Pero paalala ni Velasco, hindi ito dahilan para maging kampante, lalo't may banta pa rin ng COVID-19. 

Ani Velasco, 90 porsiyento sa namatay dahil sa COVID-19 sa lalawigan ang hindi bakunado. Kaya ganun na lamang kahigpit ang panawagan nito sa lahat na magpabakuna.

Nangako pang bibigyan ng prayoridad sa ayuda ang mga bakunado na laban sa COVID-19.

Base sa tala ng Marinduque Provincial Health Office nitong Oktubre 31, mayroong 132 active cases sa lalawigan. Nasa 3,523 ang kabuuang bilang ng nagkasakit - 158 ang namatay, habang 3,233 ang gumaling. 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

— Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.