Pampanga River umapaw na; Candaba at ibang bayan, lubog sa baha

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2020 09:56 PM | Updated as of Nov 02 2020 12:06 AM

Lumagpas na sa critical level ang bahagi ng Pampanga River sa bayan ng Candaba bunsod ng mga bagyong Quinta at Rolly na dumaan sa naturang lugar.

Ayon sa data ng Pampanga River basin flood forecasting and warning center, nasa 5.19 meters na ang lebel ng tubig ng ilog nitong Linggo.

Sa monitoring ng Candaba MDRRMO, umabot na sa 8 na talampakan ang pinakamataas na lebel ng tubig sa Brgy. San Agustin sa bayan.

 

May mga bahagyang nasira na mga bahay dahil sa pagguho ng lupa. Inilikas ang mga pamilyang apektado at ngayo'y nasa mga evacuation center habang hindi pa ligtas balikan ang kanilang mga bahay.

Dahil inaasahan pa ang mga pag-ulan, inaasahan na ang pagtaas pa ng baha hindi lang sa Candaba, pati sa mga karatig bayan ng Apalit at San Simon, maging sa Calumpit, Bulacan.

Patuloy ang isinasagawang pre-emptive evacuation sa mga residenteng nasa coastal at upland barangay ng Pampanga. 

Libo-libong relief packs ang ihinanda, maging ang mga equipment, ng personnel ng Pampanga DRRMO sakaling kailanganin ang pagsagip sa mga residente na apektado ng mga bagyong Quinta at Rolly.--Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.