Daan-daang taga-Cavite lumikas bilang paghahanda sa 'Rolly'

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2020 11:05 AM | Updated as of Nov 01 2020 11:27 AM

Itinali ng mga residente ng Tanza, Cavite ang kanilang mga bahay bilang paghahanda sa bagyong Rolly. Michael Delizo, ABS-CBN News

Daan-daang residente ng Cavite ang lumikas ngayong Linggo mula sa kanilang mga tahanan bilang paghahanda sa bagyong Rolly, na inaasahang magdadala ng malalakas na hangin at ulan sa lalawigan.

Maraming lugar kasi sa Cavite ang delikado sa pagbaha, at 9 na bayan din ang delikado sa daluyong o storm surge.

May higit 100 indibiduwal ang lumikas sa Barangay Bancal Elementary School sa Carmona, batay sa datos ng Cavite Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Watch more in iWantTFC

May 159 ding indibiduwal ang nananatili umano sa San Jose Elementary School sa Tagaytay, habang 77 naman ang nasa Dalahican Elementary School sa Cavite City. 

Nag-evacuate na rin ang 13 indibdiuwal sa barangay hall ng Poblacion 5 sa Naic, 16 sa Halayhay Elementary School sa Tanza, habang 50 sa Ternate Central School, ayon sa PDRRMO.

Nadadaanan pa naman ang lahat ng kalsada sa lalawigan habang normal pa ang mga lebel ng tubig sa mga ilog.

Nakaantabay na ang mga rescue team at tuloy-tuloy ang paghahanda sa pagkain ng mga social worker para sa mga lilikas. 

Kanya-kanya rin ng pagpuputol ng puno ang mga residente, at itinali na rin ang ilang mga bahay lalo sa mga coastal area.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.