PatrolPH

2 umanoy 'gun-for-hire' patay sa engkuwentro sa Biñan

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2020 06:31 PM | Updated as of Nov 02 2020 01:20 PM

2 umanoy 'gun-for-hire' patay sa engkuwentro sa Biñan 1
Patay ang 2 hinihinalang gun-for-hire matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Biñan, Laguna. Jekki Pascual, ABS-CBN News

Patay ang 2 lalaki hinihinalang gun-for-hire matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Biñan, Laguna nitong madaling araw ng Linggo.

Ayon kay Brig. Gen. Alexander Tagum, direktor ng Highway Patrol Group (HPG), ilang araw nang nagbabantay ang mga pulis ng HPG Special Operations Division matapos makakuha ng impormasyong may gun-for-hire group na umaaligid sa Laguna.

Isang sasakyan ang sinita umano ng mga pulis nitong madaling araw ng Linggo pero imbes na huminto, tumakbo ito papalayo at nagpaputok pa ng baril ang mga sakay nito.

Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga awtoridad at mga sakay ng sasakyan hanggang sa natamaan ng bala ang 2 suspek, na ikinamatay ng mga ito.

Watch more on iWantTFC

Natamaan pa ng bala ang motorsiklong sinasakyan ni Police Maj. Ronald de Leon pero nakaligtas naman ito.

Natagpuan sa sasakyan ng 2 suspek ang retrato ng isang barangay kagawad at mapa ng address nito.

Hinala ng mga pulis ay target ng mga suspek ang kagawad at pupuntahan sana ito.

Nakita rin ang mga pekeng ID kabilang ang ID na pang-pulis at pang-militar.

Nabatid din na peke ang plate number ng kotse kaya posible umanong miyembro ng malaking criminal group ang mga nasawing suspek.

Tine-trace na ng mga pulis kung kanino ang sasakyan para mahili ang iba pang miyembro ng grupo.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.