PatrolPH

Trak nahulog sa bangin sa Apayao; 19 patay, 21 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 01:44 PM | Updated as of Nov 01 2019 07:59 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Aabot sa 19 ang namatay habang 21 iba pa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang truck sa Conner, Apayao, Huwebes ng hapon.

Papuntang Rizal, Cagayan para kumuha ng corn seeds ang mga biktima - na pawang mga magsasaka - nang mangyari ang aksidente, ayon sa Conner Municipal Police Station.

Ipapamahagi sana ang mga binhi ng Department of Agriculture bilang tulong sa mga magsasakang apektado ng rice tariffication.

Pinaniniwalaang mechanical failure ang sanhi ng aksidente, ayon sa pulisya.

Posibleng hindi na rin daw kinaya ng preno ang bigat na dala ng trak, ayon sa pulisya. Malakas din ang ulan nang mangyari ang aksidente.

Daing ng ilang kaanak, wala umano sanang aksidente kung dinala na lang sa kanila ang binhi lalo't malayo sila sa munisipyo ng Rizal.

Narekober na ang bangkay ng mga biktima. Nagpapagaling naman sa ospital ang mga sugatan, kabilang ang drayber ng trak.

Inabutan ng tulong pinansiyal ng Department of Agriculture ang mga nagpapagaling na biktima sa ospital.

-- Ulat nina Micaella Ilao at Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.