KILALANIN: HRM student na embalsamador sa Lipa City

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 01:14 PM

Payo ni Fernando "JR" Reyes Jr., dapat mahalin ang trabaho para magtagal dito. April Magpantay, ABS-CBN News


LIPA CITY, Batangas – Literal na matatawag na working student ang 23 anyos na si Fernando "JR" Reyes Jr. Dahil matapos ang klase bilang HRM student sa kolehiyo, diretso siya sa morgue para sa trabaho. 

Lisensiyadong embalsamador at operations manager ng San Fernando Funeral Homes si Reyes.

Ayon sa kaniya, bata pa lamang ay kakambal na ng buhay at bahay nila ang punerarya.

"Ang drawing namin dati ay karo, kabaong or mga patay… ganun,” sabi niya.

Kuwento niya, 16 anyos pa lamang siya nang magsimulang mag-aral ng pag-eembalsamo sa Australia.

Ikatlong henerasyon na umano siya ng embalsamador sa kanilang pamilya.

Lima silang magkakapatid at maging ang dalawa pa niyang mga kuya ay nasa linya na rin ng funeral services.

Saksi si Violy Nitural, na may 10 taon nang tauhan sa kanilang punenarya, sa pagiging dedikado ni Reyes sa propesyon kahit noong bata pa.

“Nangingialam na siya ng mga gamit ng pangembalsamo," sabi ni Nitural, manager ng punerarya.
 
Sa loob ng tatlong taon na pagiging propesyonal na embalsamador, hamon pa rin sa kaniya ang pagsasaayos ng mga naaksidenteng bangkay.

“Kailangan naming i-reconstruct para maayos for viewing kasi 'yun 'yung mahirap kasi ang request talaga ng family ay makita 'yung patay nila, 'yung corpse nila,” sabi ni Reyes.

Natutunan na rin daw niyang mahalin hindi lamang ang propesyon kundi ang araw-araw na pag-unawa sa sitwasyon ng mga namamatayan.

"Yung stress nila 'wag mo ng dalahin kasi kapag stressed ka rin, nakaka-affect sa work. Kailangan 'yung emotions nila, 'wag mong sasamahan kasi kailangan nila ng lakas so huhugot sila ng lakas nila sa’yo,” payo niya.

Kahit daw nag-aaral ng HRM sa ngayon, plano pa rin daw ni JR na ipagpatuloy ang propesyon ng pag-eembalsamo.

"I love what I do. Passionate ako sa embalming, sa mga ginagawa ko. Kailangan kasi kapag nagtatrabaho ka rito, passionate ka kasi kung hindi, hindi ka tatagal," dagdag pa niya.

Bagama't may mga oportunidad na makapag-abroad dahil sa magiging pinakabago nilang branch ng punerarya sa Australia, mas nais pa rin daw niyang manatili sa bansa upang ipagpatuloy ang pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.