Driver ng truck na umararo sa lamay sa Batangas, nahuli na

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 12:15 PM

Tumakas umano ang suspek sa takot na makuyog ng taumbayan matapos ang aksidente. Andrew Bernardo, ABS-CBN News

ALITAGTAG, Batangas – Naaresto na ng awtoridad ang driver ng truck na umararo sa isang lamay na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo katao sa nasabing bayan.

Huwebes ng hapon nang mahuli ng Alitagtag Municipal Police Station ang 19 anyos na suspek na residente rin ng bayan.

Ayon sa pulisya, nagtago ang suspek matapos ang aksidente sa takot na makuyog ng taumbayan.

“Ang sabi niya, after na mangyari ang banggaan ay talagang natakot siya dahil talaga raw na parang kukuyugin na siya ng mga tao so tumakbo papalayo going [to] Cuta, Sta. Teresita at doon siya napadpad sa isang barangay sa Sta. Teresita, doon siya nagtago sa isang tubuhan,” sabi ni Police Capt. Eduardo Timbol II, hepe ng Alitagtag Police.

Napagalaman na tinangka umano ng mga kamag-anak ng suspek na isuko siya, pero tumakas pa rin ito.

"We tapped our friendly agency, 'yung mga kasama natin sa trabaho, to trace the cellphone number nung suspect and then 'yun pumitik na 'yung number, he is currently in Ibaan, Batangas,” dagdag ni Timbol. 

Tumanggi nang magbigay ng pahayag sa media ang suspek.

Samantala, hindi pa rin matanggap ni Ronavelle Ricalde ang biglaang pagkawala ng kaniyang kinakasamang si Michael Adaya sa aksidente noong Miyerkoles.

Isa si Adaya sa 3 namatay matapos araruhin ng truck ang isang lamay sa Barangay San Jose.
 
Naulila ni Adaya si Rocalde at dalawa nilang anak.

"Mahirap, pero kailangang tanggapin. Miss namin siya, lalo na 'yung bunso niyang anak na close na close. Sila pa 'yung magkasama nung gabi tapos umuwi, dito kumain, bago pumunta doon (sa lamay),” kuwento ni Ricalde.

Aniya, nakipag-usap na sa kanila ang may-ari ng truck at nangakong bibigyan sila ng tulong. Inuuna lamang asikasuhin sa ngayon ang 10 pang pasyenteng nasa ospital.

Nananawagan naman ang mga biktima para sa malinaw at detalyadong pag-uusap tungkol sa tulong na ibibigay ng may-ari ng truck. Anila, ito na lamang ang kanilang hiling lalo't hindi na maibabalik pa ang kanilang mga mahal sa buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.