PatrolPH

Abogado may payo: Pamana ayusin para iwas-sigalot sa mauulila

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 10:23 PM | Updated as of Nov 02 2019 02:53 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Nagpayo ang isang abogado na pagplanuhan ang pagpanaw sa halip na katakutan ito.

Ayon sa abogadong si Claire Castro, mahalagang ayusin ang mga iiwang ari-arian, maging ang detalye ng burol at kung paano ililibing.

Dalawang paraan para maihabilin ang mga pamana: gaya ng last will and testament na pinanonotaryo sa abogado o holographic will, na sulat-kamay lang.

Gabay aniya ito para malaman kung ano ang ibibigay sa mauulilang kaanak.

Paliwanag ni Castro, nagiging sanhi ng sigalot sa pamilya ang hindi naayos na iniwang ari-arian, kaya nakakatulong kapag naisaayos ito nang maaga.

"Lahat naman tayo mamamatay eh kaya mas maganda ginawa mong maayos ang pag alis mo sa mundo,” pahayag ni Castro.

Sang-ayon naman dito ang barangay captain na si Ana Millionado, na inihahanda na ang kaniyang ari-arian sakaling may mangyari sa kaniya.

Pinaghandaan niya na rin pati detalye sa burol at kung ano ang gagawin sa kaniyang magiging labi.

Kuwento ni Bong Mapiza, funeral director ng Arlington Memorial Chapel, marami ang gaya ni Millionado na naghahanda sa kanilang pagpanaw.

“Kaya iyong family pumipili sila ng casket because of that person. Iyon iyong character noong tao,” ani Mapiza.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.