#UNDAS2018: Mga bumibisita sa iba't ibang sementeryo pumalo na sa higit 1 milyon

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2018 03:23 PM | Updated as of Nov 01 2018 09:38 PM

Tulad ng inaasahan, dumagsa ang mga bumisita sa sementeryo nitong Huwebes para gunitain ang Undas sa mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Manila North Cemetery, pumalo sa higit 1 milyon ang bilang ng bumisita. 

Sa dami ng tao, umabot sa tatlong oras ang pag-aantay sa pila dahil sa mahigpit na inspeksiyon sa lugar. 

"Napakahaba ng pila, baka kami na ang susunod ilibing,” ayon sa bumisitang si Christine Tizon. 

Pero may iilan namang dumiskarte at dumaan sa ginawang hagdan sa likod ng sementeryo kahit ipinagbabawal ng pamunuan nito.

Nagkaroon din ng libreng sakay gamit ang e-trike sa Manila North Cemetery pero itinigil ito para lumuwag ang daan sa loob. 

Pagsapit ng alas-5 ng hapon, umabot sa 12 ang mga batang nahiwalay sa kaanak pero naibalik rin naman ang mga ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa huling tala naman sa Manila South Cemetery nitong tanghali ay nasa 180,000 ang dami ng tao ngunit inaasahan itong papalo sa 400,000 bago magtapos ang araw. 

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar, naging "maayos" ang paggunita at paghahanda sa Undas sa Kamaynilaan nitong taon. 

"Overall naging maayos naman... Maganda 'yung naging coordination natin sa iba pang concerned agencies," aniya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinagsa rin ang Himlayang Pilipino sa Tandang Sora sa Quezon City at Loyola Memorial Park sa Marikina sa kabila ng mainit na panahon. 

Naging okasyon rin ito para sa ilang naulilang balikbayan na muling makapiling ang mga yumaong mahal sa buhay sa Pilipinas. 

MGA YUMAONG BITUIN INALALA

Inalala rin nitong Undas ng kanilang mga tagahanga ang mga iniidolong bituin na sumakabilang-buhay na tulad nina Dolphy, Nida Blanca, at Francis Magalona.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ng dating katiwala ni Blanca na si Lilia Diaz, nagpaparamdam sa kaniya ang aktres sa pamamagitan ng paru-parong dilaw. 

"Minsan po may dadapo na paru-paro. Alam namin na siya 'yun. 
Alam namin hindi niya pa din kami pinapabayaan," aniya. 

LAGAY NG TRAPIKO

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsidagsaan naman ang mga pasahero sa bus terminals na bibiyahe pa-probinsiya para sa Undas. 

Nakaranas naman ng mabigat na trapiko sa mga pangunahing highway tulad ng North at South Luzon Expressway (NLEX at SLEX) umaga ng Huwebes sa kasagsagan ng pagluwas palabas ng Maynila. 

Kalaunan ay humupa rin ang trapiko, ngunit inaasahan ang muling pagbigat nito sa Sabado, kapag pabalik na ang mga ito sa siyudad. 

UNDAS SA PROBINSIYA

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumubog naman sa baha ang ilang sementeryo sa mga lalawigan, partikular na sa Dagupan at Pampanga. 

Dalawang talampakan ang taas ng baha sa sementeryo sa Masantol, Pampanga, na apat na buwan nang hindi humuhupa dahil sa sunod-sunod na bagyo. Gayunpaman, dagsa pa rin ang mga tao rito.

Sa Dagupan, Pangasinan, napilitan na lamang magtirik ng kandila sa kapilya ang ilan dahil lubog pa sa baha ang 3,000 puntod sa lugar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Inalala rin nitong Undas ang mga nasawi sa mga trahedya sa mga lalawigan. 

Nagsidagsaan ang mga survivor ng bagyong Yolanda sa mga mass grave sa Tacloban para alalahanin ang mga kaanak na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyo nong 2013. 

Halos limang taon matapos manalasa ang bagyo sa lugar, ramdam pa rin ng marami ang sakit ng pagkamatay na mga kaanak, lalo ang karamihan ay hindi pa rin natutukoy o nahahanap ang katawan. 

Binisita rin ng mga kaanak ang mga puntod ng 78 na namatay sa landslide sa Naga City, Cebu noong Setyembre.

Marami rin ang dumalaw sa memorial shrines ng mga namatay sa bagyong Sendong noong 2011.

-- Ulat nina Niko Baua, Gracie Rutao, Ranulfo Docdocan, Willard Cheng, Jerome Lantin, Rafael Bosano, at Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.