Binatilyo, sugatan matapos sumabog ang vape

Jeck Batallones, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2018 05:17 AM | Updated as of Nov 01 2018 08:19 PM

MAYNILA—Lagas ang ngipin, sugatan ang mata, at namamaga ang bibig ng isang binatilyo matapos sumabog sa bibig ang gamit niyang vape.

Inabutan ng ABS-CBN News si Grace Sardea sa emergency room ng East Avenue Medical Center kung saan dinala ang 17 anyos na anak na si Jeffrey.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Pagkakita ko sa anak ko, umiyak ako kasi hindi maganda ang lagay ng anak ko," aniya.

Kuwento ni Grace, Lunes nang bilhin ng kaniyang anak ang isang second hand na vape. 

Nagamit pa umano ni Jeffrey ito ng ilang araw pero pumalya ang baterya kaya nakipag-swap ito sa isang kausap online.

Nakipagkita si Jeffrey sa kaniyang ka-swap ng baterya pero bigla itong sumabog nang i-testing niya.

"Ibig sabihin, hindi match ang battery na 'yun dun sa vape na 'yun," dagdag ni Grace.

Ibinuhos ng ginang ang kaniyang sama ng loob sa social media pero na-bash pa siya at binansagang fake news.

"Sana naiintindihan niyo side ko. Bilang magulang kasi, mahirap kung mangyayari ito sa pamilya niyo," aniya.

Nanawagan si Grace sa naka-swap ng kaniyang anak na makipag-ugnayan sa kaniya para panagutan ang nangyari kay Jeffrey na inoobserbahan pa sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.