Roque, pinaalalahanan tungkol sa human rights

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 12:07 AM

Mula sa pagiging kilalang human rights lawyer at kritiko ng gobyerno, ngayon, tagapagsalita na ang kongresistang si Harry Roque ng isang gobyernong inaakusahan ng human rights violations.

Sumikat si Roque sa pagtayong kinatawan o legal counsel para sa mga biktima ng mga kontrobersiyal na kaso gaya ng pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude, ang Maguindanao massacre, at ang pagpatay sa journalist at environmentalist na si Gerry Ortega.

Bago mahalal sa Kongreso bilang kinatawan ng Kabayan party-list, 15 taong nagturo ng constitutional law at public international law sa University of the Philippines College of Law si Roque.

Siya ang founder ng "Centerlaw", isang human rights advocacy group na kauna-unahang kumuwestiyon sa "Oplan Tokhang" ng gobyerno sa Korte Suprema at naghain ng "petition for writ of amparo" para protektahan ang mga taga-San Andres Bukid sa Maynila sa serye ng patayan.

Kaya ikinagulat at ikinadismaya ng kaniyang mga kasamahan sa human rights community ang pagkakahirang kay Roque bilang presidential spokesperson.

Bago pa man opisyal na ianunsiyo ng Pangulo, hinimok na ng international human rights groups na Bertha Justice Network na pag-isipang mabuti ni Roque ang pagtanggap sa alok na maging spokesperson.

Ayon sa grupo, hindi akma ang layunin nilang magkaroon ng patas na mundo na kumikilala sa karapatang pantao kung magtatrabaho para kay Duterte na sinisimbolo umano sa lahat ng kanilang nilalabanan.

Saad ng pahayag ng Bertha Justice Network: "... We strive to bring about a more just world and human rights for all. This vision is incompatible with working for Duterte, who embodies everything we and our partners struggle against." 

Para kay dating executive secretary at presidential spokesperson Eduardo Ermita, maaaring malaking dahilan ang pagiging human rights lawyer ni Roque sa kaniyang pagkakapiling tagapagsalita ni Duterte.

Aniya, puwede kasing maging kinatawan ng pagpapahalaga sa karapatang pantao si Roque, sa gitna ng mga alegasyon ng paglabag sa human rights ng kasalukuyang administrasyon..

Pero hindi na ikinagulat ng ilang kritiko ang pagpayag ni Roque.

Bumoto si Roque pabor sa pagpapalawig sa martial law sa Mindanao at sa pagbibigay ng P1,000 budget sa Commission on Human Rights.

Saad ng pahayag ni Albay Representative Edcel Lagman, "The charade is now over as Roque is liberated and obligated to be the President's official apologist."

Pero paliwanag naman ni Roque, hindi siya naniniwala na may nilalabag na human rights ang Pangulo. 

Ani Roque, minsan nang sinabi ng Pangulo na susuportahan niya lang ang mga pulis kung legal ang engkuwentro nila sa mga kriminal, at kung hindi ay ipakukulong niya ang lumabag na pulis.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Centerlaw na umaasa silang mananatili pa rin ang paninidigan ni Roque na ipaglaban ang karapatang pantao.

Pahayag ng Centerlaw: "As he undertakes a new and challenging endeavor as presidential spokesperson, we trust that he will be imbued with the same commitment to human rights as he has espoused in his years at Centerlaw."

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.