Pulis na 'nangikil' sa isang bus company, arestado

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 05:51 AM

Kalaboso ang isang pulis sa Quezon City sa isang entrapment operation Martes ng gabi matapos umano itong mangikil sa isang bus company.

Kinilala ang pulis na si SPO3 Achilles Magat na naka-destino sa Quezon City Traffic Sector 3.

Humihingi umano si Magat ng P15,000 sa HM Transport pagkatapos masangkot ang bus nito sa isang aksidente noong Oktubre 23.

Kaysa magbayad ng P30,000 para sa piyansa, mapapabilis daw ni Magat ang pagrelease ng lisensya ng bus at driver ng HM Transport.

Ito umano ang naging pahayag ni Magat kay Samson Gargaritano, vice president ng HM Transport, noong una silang magkita sa Camp Karingal noong Oktubre 24.

Kahit na pinalaya ng piskal ang driver ng HM Transport dahil sa kawalan ng sapat na dahilan, iniipit pa rin daw umano ni Magat ang lisensya nito at ng bus.

Nakipagtawaran si Gargaritano hanggang magkasundo ang dalawa sa P10,000.

Ang hindi alam ni Magat ay nakipag-ugnayan si Gargaritano sa command group ng Quezon City Police District para sa isang entrapment operation.

Nagkita si Gargaritano at Magat Martes ng gabi kung saan ipinalagay ng pulis ang perang nakapaloob sa white envelope sa drawer nito.

Paglabas ni Gargaritano ng opisina, doon na hinuli si Magat ng mga operatiba.

Todo tanggi naman si Magat sa mga paratang sa kanya.

Ayon sa kanya, pwede na raw kunin ng tagapamahala ng HM Transport ang bus nito anumang oras. 

Nasa kanya rin daw ang lisensya ng driver dahil hindi niya ito nadala noong huli silang magkita ni Gargaritano.

Kasalukuyang nakadetine si Magat sa Camp Karingal. Mahaharap siya sa kasong robbery/extortion, grave coercion, at administrative charges.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.