Libo-libong bisita sa sementeryo, hindi nagpatinag sa masamang panahon

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 10:58 PM

Mas kakaunti ang mga nagsipuntahan sa mga sementeryo ngayong taon dahil sa sama ng panahon.

Ngunit hindi naging balakid para sa ilan ang ulan para dumalaw sa mga yumaong mahal sa buhay.

Nasa 7,000 ang bilang ng mga bumisita sa Loyola Memorial Park sa Marikina nitong Miyerkoles ng umaga, ayon sa Eastern Police District.

Kabilang rito sina Grace Iverson at ang kaniyang mga apo. 

Hindi nila ininda ang ulan bagama't mayroong mga kaanak na hindi tumuloy sa sementeryo.

"Sakripisyo lang talaga. May bagyo o ulan, [nan]dito kami," pahayag ni Grace.

Mababa rin ang bilang ng mga nagsipuntahan sa Manila Memorial Park ngayong taon.

Nagdulot ng perhuwisyo ang ulan dahil naging maputik ang mga puntod.

Walang ipinagkaiba ang sitwasyon sa ibang sementeryo tulad ng Tugatog Public Cemetery sa Malabon at Himlayang Pilipino sa Quezon City, na lahat ay mas kakaunting tao ang nagsidalaw kumpara sa inaasahan. 

E-trikes, paghakot ng basura, ipinatigil

Sa Manila North Cemetery, umabot sa 1 milyon ang tala ng Manila police sa bilang ng mga dumalaw mula umaga.

Malayo ito sa 300,000 na dumalaw noong Martes, Oktubre 31.

Ipinatigil din nitong Miyerkoles ang libreng sakay sa electronic tricycles o e-trike ng Manila City Hall.

Malaking ginhawa sana ito para sa mga bisita ngunit ipinatigil dahil baka umano magdulot ng aksidente sa dami ng tao.

Hininto rin ang paghakot ng basura sa loob ng sementeryo, kaya naipon ang mga kalat sa maghapon.

Ayon sa pamunuan ng Manila North Cemetery, papayagan ang paghahakot ng basura kapag humupa na ang pagdagsa ng mga tao.

-- Ulat nina Adrian Ayalin, Niko Baua, Jorge Cariño, at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.