ALAMIN: Ano'ng hinihingi ng batas para payagan ang pagpapalibing?

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 04:10 PM

Ano nga bang mga requirement ang itinakda ng batas bago pahintulutan ang paghihimlay ng isang bangkay?

May tinatawag na 'Code on Sanitation' o Presidential Decree No. 856 na naglalaman ng mga patakarang may kaugnayan sa pagpapalibing, ayon kay Atty. Noel Del Prado sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM. 

"Walang libing na maaaring gawin nang hindi doon sa itinakda ng batas," ani Del Prado.

Ayon sa batas, pangunahing pangangailangan sa pagpapalibing ang death certificate, na maaaring kuhanin ng kaanak sa doktor ng pumanaw.

Ito'y upang mabigyan ng patotohanan ang pagkamatay ng indibidwal.

"Siya (doktor) ang magsesertipika na patay na talaga ‘yong tao at ilalagay din doon (certificate) ang oras [at sanhi] ng kaniyang kamatayan," ani Del Prado.

Itinakda rin ng Sanitation Code na dapat isa't kalahating metro ang lalim ng paglilibangan.

Ayon kay Del Prado, dapat ang paglilibingan ay siksik at matatag.

"Hindi ‘yong ‘pag nilagyan ng tubig, guguho ‘yong lupa," aniya.

Awtopsiya, may 'foul play'?

Sa ilalim ng batas, ang mga taong may karapatan sa bangkay lamang ang makapagbibigay ng pahintulot upang sumailalim ito sa awtopsiya o pagsusuri.

"As a general rule, sila (may karapatan sa bangkay) ‘yong masusunod so puwede nila ipa-autopsy, puwede silang tumanggi," paliwanag ni Del Prado.

Kung balak ipasuri, dapat itong ipagbigay-alam agad sa mga lokal na awtoridad. 

Ngunit puwedeng ibang tao rin ang humiling ng awtopsiya, lalo na kung may palatandaan ng "foul play". 

Maaaring ihain sa piskalya ang hiling na awtopsiya sa bangkay lalo na kung kahina-hinala ang pagkamatay nito.

"Nangingibabaw dito ‘yong mas mataas na, kumbaga sa sistema ng ating batas, ‘yong pinahahalagahan ng batas, ‘yong katotohanan at katarungan," ani Del Prado.

Ipinag-uutos din ng batas na dapat ilibing sa loob ng 48 oras matapos mamatay ang isang bangkay na hindi pa naembalsamo.

Kapag ang sanhi naman ng pagkamatay ay nakahahawang sakit, dapat ilibing sa loob ng 12 oras matapos mamatay ang bangkay. 

Hindi rin ilalantad sa publiko ang bangkay at tanging mga nakatatandang miyembro ng pamilya ang papayagang makadalo sa libing.

Bahagi ang talakayan sa serye ng Usapang De Campanilla ngayong Undas 2017 na magbigay ng karagdagang kaalaman ukol sa mga batas na may kaugnayan sa pagpapalibing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.