MAYNILA - Kasalukuyang nakabukas ang floodgates ng tatlong sa malalaking water reservoir sa bansa sa gitna ng inaaasahang pananalasa na naman ng isa pang bagyo.
Ayon sa PAGASA, nagpapakawala ngayon ng tubig ang Magat Dam sa Isabela, at ang Ambuklao at Binga dam sa Benguet.
Dalawang gates na bukas ng 4 meters ang nagpapakawala ngayon ng tubig sa Magat Dam. Alas-6 ng umaga ng Sabado nang maitala ng PAGASA ang 189.43-meter water elevation nito mula sa 193 meters na normal high water level.
“Patuloy siyang naglalabas ng tubig dahan-dahan para sa anticipation ng pagpasok ni Typhoon Rolly,” pahayag ni PAGASA hydrologist Edgar dela Cruz.
Sa panayam sa TeleRadyo, sakaling tumaas muli ang tubig sa Magat Dam sa pagpasok ng bagyo, maaaring magdulot ito ng pagbaha sa Isabela at Cagayan.
“Kapag kasalukuyang pumapasok si bagyong Rolly may kasamang ulan po 'yan tapos sasabayan ng release ng tubig baka magkaroon tayo ng pagbaha dyan sa Isabela hanggang Cagayan po,” sabi niya.
Posibleng maapektuhan ng pagbaha sakaling tumaas ang pag-release ng tubig sa dam ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Luna, Burgos, Reina Mercedes at Naguilian sa Isabela.
Ang Ambuklao naman ay nasa 751.58 meters ang lebel ng tubig mula sa normal high water level nitong 752 meters. Kaya naman simula pa Biyernes ay nagbukas na ito ng isang gate (.3 meters) para magpakawala na tubig.
Nasa 574.89 meters naman ang lebel ng tubig sa Binga Dam mula sa 575 metrong kapasidad nito. Nagbukas rin ito ng isang gate (.6 meters) para magpakawala ng tubig.
Pagdating naman sa Angat Dam sa Bulacan, kulang na lamang ito ng mga 10 metro para umabot sa full capacity na 210 meters. Kasalukuyan itong may water elevation na 200.63 meters, Sabado ng umaga.
Ang Angat Dam ang pangunahing nagsu-supply ng tubig sa kalakhang Maynila.
Bagyong Rolly, Typhoon Rolly, Philippine typhoon October 2020, Ambuklao Dam, Binga Dam, Magat Dam, Angat Dam,