BACOLOD CITY (UPDATE)—Umabot sa mahigit 60 tao, kabilang ang mga lider ng leftist groups, ang hinuli sa joint simultaneous operation ng pulis at militar sa Bacolod, Huwebes ng gabi.
Sa bisa ng apat na search warrant ay pinasok ng Criminal Investigation and Detection Group Region VI kasama ng 3rd Infantry Brigade ng Philippine Army, Bacolod at Negros Occidental police ang apat na mga opisina ng mga grupo sa Barangay Bata at Taculing.
Ayon kay Army Captain Cenon Pancito III ng Public Affairs Service ng 3rd Infantry Division, napag-alaman sa kanilang intelligence operation na ginagawang training centers ng New People's Army ang apat na mga lugar.
Kasama sa ni-raid ang isang compound na nagsilbing opisina ng Kilusang Mayo Uno kung saan hinuli ang 40 kasapi ng militanteng grupo at na-rescue rin ang 6 na mga menor de edad.
Inaresto din ang 11 tao na ayon sa militar ay tumatayong handlers ng mga rebelde.
Nabawi rin ang ilang high powered firearms at explosives sa loob ng compound.
Kasabay na pinasok ng awtoridad ang compound ng Gabriela sa Negros na malapit lang sa KMU office.
Dalawa pang caliber-.38 revolver at mga bala ang nabawi nang hinalughog ng mga miyembro ng CIDG ang opisina.
Pero ayon kay Anne de la Concepcion, isa sa mga subject sa apat na search warrant, planted ang mga nakuhang mga baril.
" 'Yung placing ng armas is sobrang suspicious kasi ang dami naming mga bata dito. So maglalagay ba kami ng armas diyan na madali, accessible sa mga bata?" pahayag ni De la Concepcion, na miyembro ng isang independent media organization.
Pinasok din ng mga awtoridad ang opisina ng National Federation of Sugar Workers na malapit sa palengke ng Libertad at isa pang bahay sa Taculing, kung saan apat na iba ba ang nahuli.
Kinumpirma ng militar na kasalukuyang nakikipag-usap na sa kanila ang mga magulang ng mga batang na-rescue sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Bacolod City, Kilusang Mayo Uno, Gabriela, National Federation of Sugar Workers, NFSW, KMU, Tagalog news