Mga naghahanapbuhay sa ilang sementeryo sapul ng 'no vendor' policy

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 05:59 PM | Updated as of Oct 31 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sapul ang mga vendor na karaniwang nagbebenta sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery sa ipinatupad na "no vendor policy" sa dalawa sa pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila. 

ipinupuslit lang din ng ilang vendor ang kanilang mga paninda sa parehong sementeryo para kumita. 

Sa isang kalsada sa Manila North Cemetery, patagong nagbebenta ang ilang vendor ng pagkain at inumin. 

Ang vendor na si Donita Lacap, sa tabi ng nitso lang nagluluto ng siomai para madaling maitago ang benta kapag nagkahulihan. 

"Nagtitinda po kami kahit bawal kasi wala rin kaming kukuhanan. Sobrang hirap po kasi hindi naman ganito dati," ani Lacap. 

Utang sa 5-6 ang naging pangpuhunan ng vendor na si Rica Pangilinan kaya kailangan niya talaga itong mabawi. 

"Tinanggalan nila kami ng karapatan. Ano pang gagawin namin, eh di makipagmatigasan. Kailangan kumayod para sa pamilya," pahayag ni Pangilinan. 

May mensahe naman si JC Callon, vendor ng ulam at kanin kay Manila Mayor Isko Moreno na nag-utos ng polisiya. 

"Tinanggalan kami ng bahay pati ba naman kabuhayan namin. 
delubyo ang binigay niya sa amin. Maawa naman kayo kahit konti. Baka magnakaw na lang kami," pahayag ni Callon. 

Tiniyak ng pamunuan ng Manila North cemetery na walang dapat ikabahala ang pagbisita sa sementeryo. 

Ipapakalat anila ang 500 pulisya sa sementeryo para mabantayan ang seguridad nito. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbakasakali pa rin sina Ponyang Salvador at Roberto Yabut na makakuha ng kostumer sa Manila South Cemetery, kung saan ipinagbabawal umano ang pagpintura. 

"Oo bawal daw, tinatago ko yung pintura ko, ilalabas ko lang kung may customer. 'Pag paalisin, aalis din kami," ani Salvador. 

"Wala kaming magagawa, sila ang magpapatakbo rito eh, pero hindi naman kami mang-aabala," pahayag ni Yabut, na naniningil ng P700 sa kaniyang mga serbisyo. 

Kahit pa man ipinagbabawal ang paglilinis ng puntod sa sementeryo, buong-puso pa ring nagbayad ang kostumer na si Avenida Navarro. 

"Mas gusto kong tumulong sa mahirap, dahil galing din ako sa hirap," pahayag ni Navarro. 

Nilinaw ni Raffy Mendez, assistant administrator ng Manila South Cemetery na pinapayagan lang nila ang mga tagalinis ng puntod kung tip lang ang tatanggapin ng mga ito. 

"Puwede silang magpatuloy, wag lang silang mangongontrata. Kung ano ang ang gustong ibigay, pasalamat lang sila," pahayag ni Mendez. 

-- Ulat nina Chiara Zambrano at Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.