Mga kabaong libreng ipinamimigay ng munisipyo sa bayan sa Sorsogon

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 07:07 PM

Nakaimbak sa likod ng munisipyo ng Castilla sa Sorsogon ang mga kabaong na libreng ipinamimigay sa mga mahihirap na residenteng namatayan. Jose Carretero, ABS-CBN News


Hindi lamang mga buhay ang pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ng Castilla sa Sorsogon. Maging ang mga patay pinagtutuunan rin nila ng pansin.

Sa katunayan, may mga nakaimbak na mga kabaong sa likod ng munisipyo na ayon sa kanilang alkalde na si Bong Mendoza ay ipinamimigay ng libre sa mga hikahos na mga residente na namatayan.

Dati ay sa lokal na punenarya sila kumukuha pero mas mahal daw ang singil lalo na kung ang mga kaanak na ng namatay ang pumipili kaya naisipan nilang bumili na ng mga murang kabaong.

Plano na rin ng munisipyo na sila na ang gumawa ng mga kabaong para mas makatipid at mas mapaganda ang disenyo.

Bukod sa libreng kabaong, may kalakip din na isang sakong bigas at cash ang ibinibigay sa pamilya ng namatayan.

Plano na rin ng munisipyo na bumili ng ilang gamit para sa burol para mas maging desente naman daw ang lamay.

May mga magdo-danate na rin ng sasakyan na gagawing funeral car.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.