Mahigit P5-M halaga ng cocaine nasabat sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 06:49 PM

Mahigit P5 milyong halaga ng cocaine nasabat ng awtoridad sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Mahigit P5 milyong halaga ng cocaine ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 9 sa Calle San Jose sa Zamboanga City Huwebes ng hapon.

Ayon kay Jury Rocamora, hepe ng PDEA Zamboanga City office, isang suspek ang naaresto nila sa operasyon, na siya umanong nagdala sa isang kilo na cocaine.

Nakatakas naman ang isa nitong kasama na nagmaneho ng motorsiklo.

Naniniwala si Rocamora na may iba pa itong mga kasama na miyembro ng isang sindikato.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ng suspek na napag-utusan lang siya na dalhin ang droga sa lugar, pero wala umano siyang alam kung ano ang nilalaman ng bag.

Pinangakuan daw siya ng P100,000 kapalit ng pagdala ng bag sa nasabing lugar.

Ayon kay Rocamora, narekober sa suspek ang P800,000 na buy-bust money.

Ito ang unang pagkakataon na may nasabat na cocaine ang mga awtoridad sa Zamboanga City.

Naniniwala si Rocamora na posibleng sinusubukan pa ng mga local drug dealer kung kakagat ba ang local market sa cocaine.

Noong September 23, isang pakete ng cocaine na nagkakahalaga ng mahigit P6 milyon ang nakita ng mga mangingisda sa karagatan ng Mohammad Ajul sa Basilan.

Itinurn-over ito agad ng mga mangingisda sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at pulisya.

Ayon kay Rocamora, posibleng bahagi pa ang kanilang nasabat na cocaine sa lungsod ng nakitang isang pakete na cocaine na palutang-lutang sa karagatan ng Basilan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.