Bahay ni Duterte ipasusuri sa structural engineers ng DPWH

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 10:55 PM

Dahil sa mga bitak sa dingding ng bahay ni Pangulong Rodrigo Duterte dulot ng lindol, ipasusuri muna ang bahay ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa panayam sa pangulo sa Davao City, kasunod ng pagbisita niya sa sementeryo, sinabi niyang ang kaniyang Presidential Security Group (PSG) ang nagpipilit na ipatingin ito sa structural engineers ng DPWH.

Aniya, sa nakaraang 3 lindol kasi ay may nadagdag lang na bitak sa kanilang bahay. Posibleng gawin bukas ang inspeksiyon.

Sa ngayon, sabi ng Pangulo, sa bahay pa rin niya sa Davao City siya mananatili bago siya tumulak ng Thailand bukas ng gabi.

Pinayuhan naman ng Pangulo ang mga nakatira sa mga gusali na maging maingat lalo na kung may makitang mga bitak sa dingding o sahig.

Kapag masyadong malaki aniya ito ay nangangahulugang lumang-luma na ang gusali at hindi na ligtas tirhan pa.

Ipinag-utos rin ng Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na simulan nang mag-ikot at iinspeksiyon ang mga gusali.

Ayaw niya na may maganap muli na sakuna habang siya ay wala sa bansa.—Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News