Bahagi ng Mindanao nayugyog sa ikatlong malakas na lindol ng Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 04:09 PM | Updated as of Oct 31 2019 08:23 PM

Halos bumigay na ang isang hotel sa Kidapawan sa Cotabato City nang muling yanigin ng lindol nitong Huwebes. Photo courtesy kay Johnny Tamboong

MAYNILA (UPDATE) - Niyanig ng magnitude 6.5 na lindol Huwebes ng umaga ang Cotabato at ilang parte ng Mindanao, na hanggang ngayon ay bumabangon mula sa mga epekto ng dalawa pang lindol sa loob ng isang buwan. 

Pasado alas-9 ng umaga nangyari ang lindol 33 kilometro mula sa bayan ng Tulunan, na naging epicenter din ng mga lindol na nangyari noong Miyerkoles at noong Oktubre 16. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Toto Bacolcol, associate scientist ng Phivolcs, dati na itong nangyari. 

"Meron kaming nakitang magnitude 6.2 earthquake in Masbate before, thats in 2002 and then afterwards nagkaroon ng event sa fault close to it, medyo matagal lang ang interval. Ito lang kasi ay medyo sunod sunod, in a span of few weeks... in a few days," ani Bacolcol. 

Nilinaw din ng Phivolcs na isang lindol at hindi aftershock ang nangyaring pagyanig sa Mindanao. Babala pa nila, posibleng maulit pa ito lalo't may mga katabing fault sa lugar. 

Posible ring makaranas ang lugar ng mas maliliit na lindol na tatagal hanggang Pasko, ayon sa ahensiya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos bumigay na ang ilang estruktura, gaya ng Eva's Hotel sa siyudad ng Kidapawan, pero wala namang naipit sa guho, ayon sa mga awtoridad. 

Namatay naman ang isang barangay chairman sa Makilala, Cotabato City, matapos matabunan ng gumuhong barangay hall, gayundin ang isang Grade 1 student. 

Halos 100 porsiyento ng mga bahay at gusali ang napinsala sa bayan ng Makilala, Cotabato dahil sa pagyanig na naramdaman sa probinsiya, ayon sa mga awtoridad. 

Dahil sa pagyanig nitong Huwebes, umakyat na sa 14 ang namatay sa probinsiya sa mga serye ng lindol na naramdaman magmula Oktubre 16, ayon sa mga awtoridad. 

Isinara ang isang mall sa Koronadal City, South Cotabato matapos bumagsak ang mga debris sa kasagsagan ng malakas na lindol. Nagsilikas din ang mga pasyente sa ospital. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagkabitak-bitak din ang bahay ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nasa Davao City nang mangyari ang lindol. Pero tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ligtas ang pangulo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagkabitak-bitak din ang ilang parte ng Ecoland 4000 condominium sa Davao City, kung saan 9 ang nasugatan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumigay naman ang parte ng kisame at canopy ng isang shopping center sa Digos City, Davao del Sur, kung saan dalawa ang nasugatan. 

Suwerte ring nakaligtas sa kapahamakan ang isang driver matapos na madaganan ng gumuhong pader ang kaniyang taxi matapos ang paglindol. 

'PANIBAGONG TRAUMA' 

Dala ng naging trauma sa lindol noong Martes, agad na nagsilikas ang ilang empleyado mula sa kanilang mga gusali. 

Ayon kay Ledemie Uba, cashier ng isang business outsourcing company sa Cagayan De Oro, agad siyang nagtago sa mesa nang maramdaman ang pagyanig. 

Dala ng lindol, nanawagan din ng tulong si Reuel Limbungan, alkalde ng Tulunan na apektado ng Intensity VII na lindol.

"Wala ka nang makitang tao na nasa loob ng bahay. Lahat ngayon andito sa kalye, andito sa open spaces," ani Limbungan sa panayam sa DZMM. 

Pumapalo sa mahigit 25,000 pamilya ang naapektuhan ng lindol sa 56 barangay sa Davao Region at Soccsksargen, ayon kay Irene Dumlao, tagapagsalita ng Department of Social Welfare and Development. 

Nasa 12,760 tao ang nasa mga evacuation center sa nabanggit na mga rehiyon, habang may mga 6,710 indibidwal na nakitira sa kanilang mga kaanak, ayon sa datos ng DSWD. 

Ayon din kay Dumlao, bumubuo na ng team ang DSWD para magbigay ng psychosocial intervention para sa mga na-trauma sa lindol. 

Tiniyak din ng Malacañang na tutugunan nila ang mga apektado ng lindol sa Mindanao, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

"The President had directed all agencies and responsible local government units to provide the necessary assistance and immediate relief to those affected," ani Panelo sa pahayag. 

"The President considers all situations arising from natural disasters that have caused widespread destruction to lives and property a top concern." -- May ulat nina Vina Araneta, Andoreena Causon, Dennis Datu, Yen Mangompit, at Joey Taguba, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.