PatrolPH

2 construction worker patay sa salpukan ng motorsiklo, trak sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 01:20 AM

ZAMBOANGA CITY—Patay ang 2 construction worker matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang cargo truck sa Barangay Victoria, Zamboanga City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Arnold Salazar at Ronald Sotto.

Ayon kay Police Staff Sgt. Jenny Tandong ng Zamboanga City police, nag-overtake umano sa isang sasakyan ang motorsiklo na minamaneho ni Salazar at sumalpok ito sa kasalubong na cargo truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, naipit sa gulong ng trak si Salazar habang tumilapon sa daan si Sotto.

Naisugod pa sa ospital si Sotto, pero binawian din ng buhay. Inabot naman ng higit isang oras bago nakuha ang katawan ni Salazar.

Depensa ng drayber ng trak, matulin umano ang takbo ng motorsiklo at bigla rin itong nag-overtake. Hindi na siya nakapreno dahil sa bilis ng pangyayari.

Sa kulungan pa rin ang bagsak ng drayber na posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide.

Ayon kay Tandong, hinihintay pa nila ang desisyon ng pamilya ng mga biktima kung itutuloy nila ang kaso.

Itinuturing na accident-prone area ang bahagi ng Victoria highway kung saan nangyari ang insidente.

Plano ni Victoria Barangay Chairperson Emelito Ziga na mag-request sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng dagdag na road warning signs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.