Hagupit ni Rosita nagdulot ng landslide, baha, iba pang pinsala sa N. Luzon

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 11:01 AM | Updated as of Oct 31 2018 09:14 PM

Natabunan ng lupa ang 2nd District Engineering Office ng DPWH sa Natonin, Mountain Province noong Martes, Oktubre 30. Gil Magno

UPDATE 2 -- Magkakahiwalay na insidente ng landslide ang naiulat sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita noong Martes sa hilagang Luzon, partikular na sa Cordillera Administrative Region, kung saan may mga naitalang patay at nawawala. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sampu na ang narekober na bangkay nitong Miyerkoles, anim ang na-rescue, habang 11 pa ang pinaghahanap sa loob ng gumuhong 2nd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Natonin, Mountain Province noong Martes.

Ayon sa ulat, hindi pa umano tapos ang paggawa sa gusali nang nangyari ang landslide at hindi pa nalalagyan ng bintana ang ilang palapag. 

Hirap namang magpatuloy ang rescue ops dahil hindi pa maipasok ang mga kailangang equipment.

Na-stranded rin ang ilang motorista na gugunitain sana ang Undas sa mga karatig-bayan na Nueva Vizcaya, Isabela, Ifugao, Mountain Province, at Kalinga dahil tatlong palapag ang taas ng landslide sa Nueva Vizcaya-Benguet road.

Sa pagmamadaling umuwi para sa Undas, gumamit na ng lubid at baging ang ilang motorista para makatawid sa bangin. 

Posibleng umabot ng isa pang araw ang clearing operations sa lugar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, patay naman ang isang 5 anyos na babae habang dalawa ang sugatan nang matabunan ang isang bahay sa Barangay Mabilong sa Kalinga, Benguet.

Patay din ang isang lalaki at ang kaniyang tatlong anak nang matabunan sila ng lupa sa karatig-bayan na Banaue. Nakaligtas ang misis ng biktima at ang apat pa nilang anak na nasa labas ng bahay nang gumuho ang lupa sa lugar. 

Namatay din sa landslide ang isang backhoe operator na nagsasagawa ng clearing operations sa Barangay Gohang. 

Ayon sa Banaue disaster office, hindi nila natanggap agad ang mga ulat ng landslide bunsod ng pagkawala ng signal sa lugar habang nagsasagawa ng clearing operation ang mga awtoridad sa Kinakin-Duclingan Road. 

Noong Setyembre lang, nagdulot din ng mga landslide ang bagyong Ompong na nagresulta sa pagkamatay ng maraming residente sa lugar. 

ILANG PARTE NG N. LUZON BINAHA

Bukod sa landslide, nalubog din ang iba't ibang bahagi ng hilagang Luzon sa baha, partikular na ang Isabela, Aurora, at Dagupan. 

Tumaas naman ang tubig sa isang ilog sa Isabela, na nagdulot ng flash flood at nag-iwan ng makapal na putik sa lugar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

May naiulat namang namatay nang malunod umano sa kasagsagan ng flash flood sa Isabela, pero iniimbestigahan pa ito ng mga awtoridad dahil may nakita silang indikasyon na posibleng namatay ito bago pa dumating ang bagyo. 

Nasira rin ng flash flood ang isang bahagi ng tulay sa Roxas. 

"Meron kasing kasamang mga debris na maaaring humarang doon sa tulay at hindi na kinaya ng pressure kaya ito'y tuluyan nang bumigay," paliwanag ni mayor Jonathan Calderon. 

Pero klinaro niya na wala itong kinalaman sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam dahil hindi naman ito bahagi ng Cagayan River. 

Nasira rin ang ilang palayan sa Dagupan at Aurora bunsod ng ulang dulot ng bagyo. 

Ayon sa Department of Agriculture, tinatayang nasa P112 milyon ang pinsala sa agrikultura sa Cordillera at Central Luzon. Halos 5,000 magsasaka ang apektado sa pinsala.

-- May ulat nina Ron Gagalac, Henry Atuelan, at Noriel Padiernos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.