Planong 'military takeover' sa Customs dinepensahan ng bagong commissioner

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 08:45 PM | Updated as of Feb 10 2020 12:45 PM

Watch more in iWantTFC

Pormal nang umupo bilang pinuno ng Bureau of Customs (BOC) si retired military chief Rey Leonardo Guerrero. 

Agad niyang dinepensahan ang umano'y planong "militarisasyon" ni Pangulong Rodrigo Duterte sa BOC matapos ang utos nitong magtalaga ng mga sundalo sa ahensiya na ilang beses nang nadadawit sa kontrobersiya dahil sa alegasyon ng korapsyon. 

"Iyung directive ni Presidente to have military people, it's not a militarization process. Clearly, the officers of the BOC will still be in control of the operations and activities of the bureau...The President said he has never and he will never give an illegal and unlawful order," ani Guerrero. 

Dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff at administrador ng Maritime Industry Authority (Marina) si Guerrero. Pinalitan niya si Isidro Lapeña, na inilipat sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa gitna ng isyu ng nakapuslit na umano'y P11-bilyong halaga ng shabu sa loob ng magnetic lifters sa pantalan sa Maynila. 

Kinumpirma naman ng Department of National Defense (DND) na wala pang malinaw na planong napag-usapan hinggil sa umano'y military takeover sa BOC. 

"Wala, wala [pa]. It’s just the decision of the President. Hindi naman buong bureau eh... I am going to craft kung paano natin gawin 'yan," ani Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon pa kay Guerrero, pag-aaralan pa ang magiging deployment ng mga sundalo na pipiliin base sa kanilang integridad at kakayahan.

Sa talumpati naman ni Guerrero nitong Miyerkoles, sinabi niya na desidido siyang wakasan ang katiwalian para manumbalik ang tiwala ng publiko sa BOC.

Dagdag din ni Guerrero, may mga plano na siya kung paano sugpuin ang drug smuggling pero hindi niya muna raw puwede ito isapubliko.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.