'Nakabaril' sa binatilyo sa Tondo timbog makalipas ang halos 1 taon

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 05:21 PM

Naaresto ng mga awtoridad ang isang babae na suspek sa pamamaril sa nakaalitang binatilyo matapos itong magtago ng halos isang taon.

Sa bisa ng warrant of arrest, nahuli noong Lunes sa Bulacan si Allaine Castro Ferrer, 18, na umano ay nakapatay sa 16 anyos na binatilyo.

Nangyari ang insidente sa gitna ng rambol ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 11, 2017.

"Ito po ay nagtago sa Bulacan, mag-iisang taon. Sa tulong po ng ating barangay information network, may nagbigay po sa atin ng tip kung nasaan siya," ani Senior Inspector Ariel Ilagan ng Manila police.

Umamin si Ferrer sa nagawa at sinabing nakainom umano siya nang mangyari ang insidente.

"Nadala lang din po ako sa mga kaibigan ko po," sabi ni Ferrer, na labis umanong nagsisisi sa nangyari.

Nakuhanan pa ng CCTV ng Barangay 108 sa Tondo ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo na nauwi sa pagkasawi ng binatilyo.

Nahaharap si Ferrer sa kasong homicide.


--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.