Ilang sementeryo sa Pampanga, lubog sa baha bago mag-Undas

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 04:37 PM

MACABEBE, Pampanga - Ilang sementeryo dito sa bayan at ilan pang kalapit na lugar ang lubog pa rin sa baha, Miyerkoles, dahil sa mga ulang dala ni Bagyong Rosita isang araw bago mag-Todos Los Santos.

Ayon sa lokal na pamahalaan, pansamantalang nilagyan ng mga sandbag ang ilang bahagi ng sementeryo upang makadaan ang mga bibisita sa mga puntod.

Sa bayan ng Masantol, aabot sa 1 hanggang 2 talampakan ang taas ng baha sa mga pampublikong sementeryo.

Ayon sa mga residente, nagsimulang bahain ang lugar noong Setyempre nang manalasa ang Bagyong Ompong.

Plano ng mga opisyal na i-pump ang tubig palabas sa ilang lugar upang umagos palabas ang baha bago ang inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo sa Nobyembre 1 at 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.