Bilang ng mga lumuluwas, bisita sa sementeryo 'normal pa' sa bisperas ng Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 10:19 PM

Watch more in iWantTFC

Gumanda na ang panahon ngayong Miyerkoles kaya nagsimula nang magdatingan ang mga dumadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa sari-saring sementeryo sa Metro Manila.

Ayon sa pulisya, umabot na sa mahigit 38,000 ang dumalaw sa Manila North Cemetery nitong Miyerkoles at inaasahang mas dadagsa pa ito sa Huwebes hanggang sa long weekend. 

Handa na rin ang pamunuan ng sementeryo at maayos nang nakahilera ang public service booths tulad ng Lingkod Kapamilya na namimigay ng libreng tubig at pa-charge ng telepono. 

May mga alok din na wheel chair para sa mga matatanda o may kapansanan.

Naghigpit na rin ang Manila Traffic and Parking Bureau at hinatak ang 50 motorsiklo at 30 tricycle sa loob ng sementeryo. 

Sa traffic scheme na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lugar sa Huwebes ay isasara ang westbound lane ng A. Bonifacio Avenue mula Mayon hanggang Calavite Street para sa mga pedestrian.

Tingin ng Philippine National Police (PNP) ay tuloy-tuloy na ang pagbisita ng mga tao hanggang Linggo kaya't extended din ang full alert status nila hanggang Nobyembre 5.

MANILA SOUTH CEMETERY

Watch more in iWantTFC

Pareho rin ang sitwasyon sa Manila South Cemetery at nagsimula na ring kumapal ang bilang ng mga bisita upang hindi na sumabay sa mismong araw ng Undas.

Pero kahit todo-paalala ang mga awtoridad, may ilan pa ring nagpapasaway na nagtangkang pumasok sa naturang sementeryo. 

Hinarang ng mga pulis sa entrada ng Manila South Cemetery ang 19 anyos na si Neil Aldabe na tinangkang magpuslit ng 19 sachet ng marijuana na kaniyang itinago sa loob ng payong.

Umamin pa ang suspek na ibebenta niya sana ang marijuana sa loob ng sementeryo.

"Ang lakas naman ng loob mo, ang dami-daming pulis dito ipapasok mo 'yan," ani National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar.

Bukod kay Aldabe, may ilan ring pasaway na nagdala ng mga patalim, flammable materials gaya ng lighter, yosi, at pati gardening tools. 

Sa pagtaya ng PNP, higit 7,000 na ang nagtungo sa sementeryo pero posibleng umabot sa kalahating milyon ang dadagsa sa Huwebes.

Alas-5 ng madaling araw Huwebes ay bubuksan ang hagdanan sa kahabaan ng Kalayaan Avenue at Metropolitan Avenue.

Maaari naman i-check sa website at Facebook page ng Manila South Cemetery ang traffic rerouting. 

DAGSA NG PASAHERO

Watch more in iWantTFC

Para naman sa mga biyahero, maluwag pa rin ang sitwasyon sa Araneta bus terminal nitong Miyerkoles. 

Ayon kay Mon Legaspi, manager ng terminal, Miyerkoles ng umaga ay binuksan na ulit ang mga biyaheng pa-Mindoro at Iloilo na unang kinansela noong Martes dahil sa bagyo.

Samantala, nahuli pa ang isang pasahero sa naturang terminal matapos magbitbit ng 16 na live ammunition ng M16 riffle.

Nang tanungin ng pulisya, sinabi ng lalaking kinilalang si Bryan Bagasala na "napulot" lang niya ang mga bala at itinabi para hindi mapaglaruan ng mga batang nasa kalsada. Gagamitin din daw niya ito bilang anting-anting para sa mga buntis.

Watch more in iWantTFC

Nagsimula na ring dumami ang mga sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) na lalabas ng Metro Manila para gunitain ang Undas sa mga probinsiya.

Pero kahit pa bahagyang humaba ang pila, hindi naman naging matagal ang pag-aantay ng mga motorista sa toll plaza. 

Bukas na ang lahat ng toll collection points: 28 sa Balintawak, 10 sa Mindanao Avenue, 20 sa Tarlac, at 6 sa Tipo. 

Pero kung hindi pa rin sapat ang mga ito, magdadagdag pa rin sila ng portable booth at toll collection equipment para mas mapabilis ang usad ng mga sasakyan. 
    
Inaasahan ring makakatulong sa daloy ng trapiko ang pagsuspinde ng mga road works sa NLEX-SCTEX hanggang Nobyembre 5. 
    
Pag-amin naman ng NLEX, mula Miyerkoles ng umaga ay nasa 30 minor accidents na ang kanilang naitatala pero dahil nakakalat ang mga patrollers ay madali naman itong naiaalis sa ginta ng kalsada. 

Sa South Luzon Expressway (SLEX) naman, nanatili pa ring magaan ang daloy ng trapiko sa ilang lugar maliban na lang ang northbound ng Alabang at Filinvest na kasalukuyang nakararanas ng moderate to heavy traffic. 

Ayon sa SLEX, ang mga lugar na dapat bantayan ay ang Sta. Rosa hanggang Calamba toll plaza A at B, at Ayala toll plaza. 

—Ulat nina Raphael Bosano, Jerome Lantin, Jasmin Romero, at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.