5 sugatan sa salpukan ng 2 motorsiklo sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 08:10 PM

Sugatan ang 5 katao matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa highway ng Barangay Cabaluay, Zamboanga City nitong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa pulisya, nakasakay sina Carlo Duremdes at Joseph Narca sa isang motorsiklo at kakaliwa na sana papunta sa isang rice milling station nang mabangga sila ng isang motorsiklo mula sa likod.

Nagtamo ng galos sa braso ang magkaibigan matapos tumilapon mula sa kanilang motorsiklo.

Sugatan din ang driver ng kabilang motorsiklo na si Pangasuan Abdulla, pati ang kaniyang dalawang kaibigan na naka-angkas.

Pero sinisi ni Abdulla si Duremdes kung bakit nangyari ang aksidente.

Ayon sa kaniya, biglaan ang pagliko ni Duremdes papunta sa kaliwa, bagamat nag-signal light ito, pero masyado na umano siyang malapit sa motorsiklo ni Duremdes at hindi na siya agad nakapreno.

Parehong walang suot na helmet ang dalawang driver at ang kanilang mga angkas.

Wala ring driver’s license si Duremdes at vehicle registration.

Tumilapon naman sa daan ang kaniyang dalang palay na ipapagiling sana niya sa isang rice milling station.

Sinugod naman agad sa pagamutan ang limang nasugatan, habang dinala sa police station ang kanilang mga motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.