Tiket para sa mga airconditioned bus sa Cubao, nagkaubusan na

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 12:14 AM

Nagkaubusan na ng tiket para sa mga pasaherong nais bumiyahe sakay ng mga air-conditioned bus sa Araneta Center Busport sa Cubao, Quezon City.

Biyernes pa lang ay fully booked o nagkaubusan na sa slot ang lahat ng mga biyahe sa istasyon, lalo na ang mga bus na luluwas patungong Bicol at Visayas.

Sa kabila nito, marami pa ring mga pasahero ang nagbabakasakaling may mababakanteng upuan dahil sa mga pasaherong nagpareserba pero hindi makakarating.

Iniimbestigahan na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) ang mga van na nangongontrata ng mga pasahero.

Ayon sa LTFRB, hindi tiyak ang kaligtasan at posibleng "colorum" o ilegal ang mga ito.

Matumal naman ang bentahan ng tiket para sa mga ordinaryong bus sa kaparehong terminal.

Bandang 6:30 ng gabi, marami pa ring bus ang nakapila sa istasyo at hindi napupuno.

Ganitong oras kasi noong nakaraang taon, halos wala nang bus ang nakaparada sa terminal.

Sa kabila nito, aarangkada pa rin sa itinakdang oras ang mga bus kahit hindi mapuno upang hindi makaantala sa iskedyul ng ibang bus.

Pasado naman sa inspeksiyong ikinasa ng LTFRB, Philippine National Police, at Land Transportation Office ang halos lahat ng yunit ng bus sa Araneta Center Busport.

Magaan naman ang situwasyon sa Ninoy Aquino International Airport dahil karamihan sa mga luluwas ay nakalipad na noong weekend.

Mga kanseladong flight

Dahil sa sama ng panahon, kanselado ang mga sumusunod na flight ngayong Lunes, Oktubre 30:
5J 506/507 MNL-TUGUEGARAO-MNL
5J 196/197 MNL-CAUAYAN-MNL
5J 504/505 MNL-TUGUEGARAO-MNL
2P 2014/2015 MNL-TUGUEGARAO-MNL

Hindi naman naging mabigat ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX), maghapon ng Lunes.

Inaasahan ng pamunuan na NLEX na sa gabi magsisimulang magkaroon ng pagbigat ng trapiko sa pangunahing kalsada.

Inaasahan ding nasa 300,000 motorista ang dadaan sa NLEX, 20% mas mataas sa pangkaraniwang bilang.

Bandang 6:30 ng gabi, nagsimula nang magkaroon ng mabigat na trapiko sa may bahagi ng Balintawak at Mindanao Avenue Exit sa Quezon City.

Dahil sa banggaan ng isang bus at pribadong sasakyan, bahagyang bumagal ang usad ng mga sasakyan sa northbound lane ng South Luzon Expressway.

Normal naman ang operasyon at dagsa ng tao sa Batangas Port.

Naglagay ng iba't ibang serbisyo sa mga gasolinahang nakahanay sa kahabaan ng NLEX. Kabilang rito ang libreng wi-fi, first aid o paunang lunas, at mechanical services sa mga masisiraan ng sasakyan.

Mga tao, dumadagsa sa sementeryo

Hindi naman nagpatinag sa pabugso-bugsong ulan ang libo-libong tumungo sa Manila North Cemetery nitong Lunes.

Sa tala ng pamunuan ng sementeryo, alas-5 ng hapon, nasa 20,000 na bilang ng mga bisita.

Ipinagbawal na ang ilang kagamitan sa sementeryo gaya ng mga panlinis ng puntod at patalim.

Ipinagbawal na rin ang pagpasok ng motorsiklo sa loob ng sementeryo.

Handog ng Manila City Hall para sa mga bisita ang libreng sakay ng mga electronic tricycles o e-trike.

Hinatak na rin ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga motorsiklong ilegal na nakaparada sa may sementeryo.

Nasa P1,5000 ang multa ng mga makukumpiskang motorsiklo habang P3,000 ang singil sa mahahatak na sasakyan.

Nasa 400 pulis ang ipapakalat sa Manila North Cemetery para magbantay sa Martes, Oktubre 31. Bukod pa sa kanila, mayroon ding mga tauhang itatalaga ang Metropolitan Manila Development Authority at ilang volunteer organization.

-- Ulat nina Niko Baua, Zen Hernandez at Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.