Suspek sa pagpatay ng 16 anyos, positibo sa droga: pulisya

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 11:18 AM

Positibo sa paggamit ng bawal na gamot ang isa sa 2 suspek sa pagpatay sa isang 16-anyos na estudyanteng pinagtangkaan umano nilang pagnakawan sa Quezon City, kinumpirma ng pulisya, Martes.

Galing sa birthday party at nagte-text ang Grade 10 na biktimang si "Kevin" nang harangin siya, habulin at barilin ng mga naka-motorsiklong suspek sa Barangay Bahay Toro noong Miyerkoles, Oktubre 25.

Nitong Lunes, nahuli ang suspek na si Felix Delmacio dahil sa baril na nakasukbit sa kanyang baywang. Napag-alaman ng mga pulis kinalaunan na siya rin ang suspek na itinuro ng ilang testigo sa pagpatay kay Kevin. .

"Eto pong si Delmacio, noong nahuli natin ay umaming gumagamit ng droga. Ini-drug testing po natin at positive din po siya," sabi ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City Police District, sa panayam ng DZMM.

Kinumpirma ni Eleazar na si Delmacio rin ang nakita sa CCTV footage na tumangay sa 2 cellphone sa isang bakery sa lungsod nitong Oktubre 11.

Tumugma aniya ang itsura ni Delmacio sa facial sketch at tatoo sa braso na inilarawan ng mga testigo.

Dagdag ni Elezar, 3 taon na nakulong ang suspek sa New Bilibid Prison bago nakalaya at malagay sa probation nitong Abril.

Una nang itinanggi ni Delmacio na hinoldap niya si Kevin. Pinaghahanap pa ng mga pulis ang umano'y kasamahan niya.

DZMM, 31 Oktubre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.