SAPUL SA VIDEO: Pulis, nagwala sa isang tindahan sa Digos

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 02:29 AM

DIGOS CITY - Nagkalat ngayon sa social media ang isang video kung saan nakunan ang isang lasing na pulis na umano'y nagwala sa isang tindahan sa Digos City sa Davao del Sur.

Kinilala ang pulis na si Senior Insp. Florante Retes, deputy chief ng Bansalan Police.

Makikita sa video na inaawat ang pulis ni Pilar Mission, ang may-ari ng tindahan ng kanyang iniinuman.

Ayon kay Mission, ginising siya ng kanyang anak Biyernes ng gabi matapos manakit at manutok ng baril diumano si Retes. Magsasara na ang tindahan ngunit nagalit ang pulis.

"Nilapitan ko siya at tinanong kung ano ang problema. Pero sinabihan niya ako kung sino ang matapang diyan dahil pulis siya," sabi ni Mission.

Inamin naman ni Retes na lasing siya at wala sa matinong pag-iisip.

"Bilang isang police, humihingi ako ng tawad kung anuman ang nangyari ng gabing iyon. Humihingi ako ng paumanhin sa mga taong sangkot dahil nagkamali ako," aniya.

Nagsisisi naman si Retes sa nangyari at nanawagan siya sa kapwa niya police na sana di maging katulad sa kanya.

"Sana ako na ang pinakahuling police na maging halimbawa sa ganitong pangyayari. Sana di na ito pa mangyari pa ulit," dagdag ni Retes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.