Negosyante, patay sa pamamaril sa Santiago City

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 05:21 AM

SANTIAGO CITY - Patay ang isang negosyante matapos itong pagbabarilin ng "riding-in-tandem" sa Santiago City sa Isabela.

Kinilala ang biktima na si Virginia Malana, 59.

Sakay ang biktima sa isang tricycle na minamaneho ng kanyang manugang nang bigla itong pinagbabaril ng mga di pa kilalang salarin sa Purok Siete, Barangay Mabini Sabado ng hapon.

"Mamalengke lang sana siya nun," ayon sa anak ng biktima.

Hindi pa malinaw ang motibo sa pagpatay pero hindi isinasantabi na posibleng konektado ito sa negosyong pautang ni Malana.

"May umaaligid kasi po dito sa amin," kwento pa ng anak.

Ayon kay Senior Supt. Percival Rumbaoa, director ng Santiago City Police Office, base sa lugar ng pananambang, pinagplanuhan talaga ito ng mga salarin.

"Isolated case naman ito at sinisikap natin na hanapin ang mga salarin," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.