Mga residente malapit sa Mayon, pinag-iingat ng Phivolcs

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 07:45 PM

Mahigpit ang pag-monitor ng Phivolcs sa aktibidad ng Mayon matapos na maitala ang sunod-sunod na paglindol sa bulkan o ang tinatawag na "swarm."

Nagsimula ito noong Sabado matapos na maitala ang 31 paglindol na sinundan ng 10 noong Linggo, 12 noong Lunes, at 10 nitong Martes.

Ayon kay Phivolcs volcanologist Ed Laguerta, ang swarm na ito ay dahil sa rock fracture sa loob ng bulkan dahil sa pagtaas ng pressure.

Hindi pa nila malaman kung "juvenile materials" ito o ang mga naiwan noong 2014.

Isa sanang maaaring makapagkumpirma kung tumataas ang aktibidad ng bulkan ay ang sulfur dioxide emission o ang ibinubugang asupre pero hindi ito masukat ngayon dahil masama ang panahon sa Bicol dulot ng low pressure area.

May ipapadala rin daw na geodetic team mula central office para magsagawang muli ng ground deformation survey o ang pagsusukat kung may pamamaga sa dalisdis ng bulkan.

Sa ngayon, ang dapat lang daw gawin ay mas maging maingat at makinig sa mga abiso ng Phivolcs. 

Naroon pa rin kasi ang posibilidad na magkaroon ng phreatic explosion ang bulkan anumang oras dahil aktibo ito at nasa alert level one. 

--Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.