Magkapiling hanggang dulo: Yumaong asawa, ipinalibing sa bahay

Reuben Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 12:03 PM

Humigit tatlong taon nang biyuda si Pacita Fernandez pero tila may forever sila ng kanyang yumaong asawa. 

Araw-araw pa rin niyang kasing kasama ang minamahal kahit taong 2014 pa ito sumakabilang buhay. Nasa loob kasi ng kanilang bahay ang puntod ng kanyang asawa.

Ayon kay Fernandez, mahigit apat na dekada na silang naninirahan sa isang coastal community sa Barangay Manicahan, Zamboanga City bago pa ito naging sementeryo.

Nabili umano niya ang lote sa halagang P4,000 lamang. Pero lumipas ang ilang taon ay napag-pasyahan ng may-ari ng lupa na i-extend pa ang lumang sementeryo na katabi lang ng bahay nina Fernandez.

Wala na raw nagawa si Fernandez hanggang sa dumami na ang mga puntod sa kanilang lugar na tinitirahan.

Naging caretaker din ng sementeryo ang kanyang asawa.

Bago yumao, hiniling daw ng kanyang asawa na sa loob mismo ng kanilang bahay siya ilibing at sinang-ayunan naman niya ito.

Dahil dito, pakiramdam niya ay araw-araw pa rin niyang kasama ang asawa. Balak din niya na sa loob din ng kanilang bahay siya ilibing, katabi ng puntod ng kanyang asawa.

Samantala, nabahala naman ang barangay chairman ng Manicahan si Cresencio Natividad sa sitwasyon ni Fernandez.

Maliban sa health issue, hindi raw pinapayagan ang pagtatayo ng residential house sa loob mismo ng sementeryo.

Pag-uusapan ngayon sa barangay council kung ano ang kanilang susunod na magiging hakbang sa ilang residential houses na matagal nang nasa loob ng sementeryo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.