Lalaki, patay sa pamamaril sa South Cotabato

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 11:02 PM | Updated as of Nov 01 2017 06:24 AM

Patay ang isang 19-anyos na tricycle driver matapos pagbabaril ng hindi pa kilalang mga salarin sa Polomolok, South Cotabato nitong Martes ng hapon.

Ayon sa mga nakakita, pinagbabaril ng riding-in-tandem ang tricycle driver na si Alimudin Lacman.

Dinikitan umano ang biktima at pinagbabaril. Ang tama nito sa ulo ang agad na ikinamatay ng biktima.

Ayon sa pulisya, pang-9 na ito sa mga pamamaril na naitala nitong buwan ng Oktubre. Simula Enero, halos 40 na biktima ng pamamaril ang naitala.

Dagdag ng pulisya, isa pa lang ang nareresolba sa mga kaso ng pamamaril, habang apat ang maituturing na "cleared," at ang mga natitira ay nananatiling "homicide under investigation".

Noong Oktubre 18, isang dating overseas Filipino worker ang binaril ng riding-in-tandem. 

Bago ang insidenteng ito, napatay din ng riding-in-tandem ang isang tricycle driver. Naitala rin ang pamamaril sa isang pulis, isang bumbero at dalawang sibilyan.

Nanawagan ang pulisya na kung may impormasyon sa mga kaso ng pamamaril, ipagbigay alam ito sa kanilang mga imbestigador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.