Drayber ng kotse sa banggaan sa Lucena, 'walang lisensiya'

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 04:28 PM

Nakilala na ang mga drayber ng nagkabanggaang trailer truck at kotse sa Diversion Road, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City alas-6 ng umaga ng Lunes. 

Dead-on-the-spot ang drayber ng kotseng kinilalang si Aljohn Goce, 22 anyos, habang hindi naman nasaktan ang drayber ng truck na si Ruel Orendain at dalawang sakay na pahinante.

Halos mayupi ang buong kotse matapos nitong sumalpok sa kasalubong na trailer truck. 

Ayon sa mga pulis, maulan nang mangyari ang aksidente. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon, papuntang Sta. Rosa, Laguna ang truck habang nasa kabilang lane naman ang kotse nang sakupin nito ang binabaybay na lane ng truck. 

"According sa ating initial investigation, sinakop niya nga itong kabilang part ng ating tulay. Nakita naman doon sa mark ng kaniyang gulong na parang namreno siya at tuluy-tuloy doon sa kabilang part," ani Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Lucena City police.

Lumalabas din sa imbestigasyon na walang hawak na lisensiya ang drayber ng kotse na si Goce.

Ayon naman sa drayber ng truck, mabilis noon ang pagpapatakbo ng kasalubong na kotse.

Maaaring makasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties si Orendain na pansamantalang nakapiit sa Lucena City Police custodial facility.

--Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.