'Cancelled bookings' ng pinaslang na Grab driver, sisiyasatin

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 10:12 PM

Pinaghahanap ng Pasay City police ang ilan pang maaaring naging pasahero ng Grab driver na si Gerardo Maquidato, na natagpuang patay dahil sa pamamaril noong isang linggo.

Oktubre 26 nang matagpuan ang bangkay ni Maquidato na may tama ng baril sa ulo sa isang bangketa sa Pasay City.

Noong Lunes, Oktubre 30, inimbitahan ng mga awtoridad ang tatlong indibiduwal na itinuturing na "persons of interest" sa pagpatay kay Maquidato.

Batay kasi sa rekord mula sa Grab Philippines, lumalabas na sila ang naging huling pasahero ni Maquidato.

Bandang alas-5 ng hapon sila sumakay sa San Juan at bumaba sa Pasay bandang alas-7:05 ng gabi.

Pero pinauwi rin sila dahil ayon sa kanilang salaysay, buhay pa ang biktima nang bumaba sila sa Pasay.

Nagsilbing patunay ang ibinigay nilang kopya ng CCTV sa Barangay 39 sa Pasay.

Sa kuha ng CCTV, pasado alas-7 ng gabi noong Huwebes, Oktubre 26, makikita ang dalawa sa mga "persons of interest" na naglalakad patungo sa direksiyon ng camera.

May testigo rin ang tatlo na nakita niyang buhay si Maquidato.

Ilang minuto bago mag-alas-8 ng gabi, nakita ang bangkay ni Maquidato matapos umano itong ibaba ng dalawang tao mula sa Toyota Innova na minamaneho ng biktima.

Dahil dito, mas binusisi ng mga imbestigador ang mga naging biyahe ng biktima noong araw na iyon.

Titingnan na rin maging ang mga nag-cancel ng booking kay Maquidato matapos nitong ibaba ang mga pasaherong nakuhanan ng CCTV.

Napansin kasing may ilang kahina-hinalang booking sa rekord ng Grab Philippines.

"We have to establish today na kahit sinabing na-cancel, nakasakay ba ... kasi pupuwede naman sigurong nakasakay tapos pinindot, na-cancel," ani Superintendent Gene Licud, deputy for operations ng Pasay police.

Sa autopsy report ni Maquidato, isang tama ng bala malapit sa batok ang kumitil sa buhay nito.

Ayon sa pulisya, maaaring nasa likuran ng sasakyan ang suspek nang barilin ang driver.

Patuloy na sinusuyod ng mga pulis ang mga CCTV na maaaring nakahagip sa sasakyan ng biktima.

-- Ulat nina Raffy Santos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.