Babaeng pulis, tinutukan ng baril ang nakaalitan sa bar

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 04:01 PM

Sapul sa isang cellphone video ang pagtatalo ng isang babae at lalaki sa Bacolod City.

May hawak na baril ang babae na nakilalang si PO1 Kriscel Mae Doctora.
    
Nang uminit na ang kanilang pagtatalo, inakbayan ng pulis ang lalaki na nakilalang si Rexie Panoncillo, sabay tutok ng baril sa kaniyang leeg.

Pero nang mapansin ng pulis na kinukunan sila ng video, agad niyang itinago ang baril. 

Paliwanag ng Bacolod City Police Office, reaksiyon lamang umano ito ng pulis sa pambabastos ng grupo ni Panoncillo. 

"Tiningnan daw ng kasama ng biktima ang legs ng kasama ng ating pulis, so nagkaroon sila ng argumento. They had a heated argument and confrontation," ani Senior Insp. Armilyn Vargas, tagapagsalita ng Bacolod City police. 
 
Sinampahan na ng kasong grave threats ang pulis. Bukod sa kasong kriminal, sasampahan din siya ng kasong administratibo.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang inireklamong pulis.
    
--Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.