Nagmistulang ghost town ang Brgy. Kusiong na nasa boundary ng mga bayan ng Datu Odin Sinsuat at Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao matapos masalanta ng mudslide noong madaling araw ng Biyernes.
Ito ay ayon kay Fatima Kanakan, Program Director ng Rajah Mamalo Descendants Organization of Southern Philippines Inc, isang non-government organization na naglilingkod sa mga Indigenous Peoples sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Sa padalang video ni Kanakan sa Bayan Mo Ipatrol Mo, makikitang nagsisilikas ang ilang residenteng nakaligtas sa mudslide.
Kita rin sa video na halos wala ng bahay na nakatayo sa barangay maliban sa ilang bahay na gawa sa semento.
Courtesy: Fatima Kanakan
Ayon kay Kanakan, nagpunta siya sa ground zero noong Oct. 29 at naikwento sa kaniya ng mga nakaligtas na naganap ang mudslide bandang ala-una ng madaling araw ng Biyernes.
Dagdag pa ni Kanakan, mula Biyernes ay nagsimula na silang mag-ikot sa mga evacuation centers para magbigay ng tulong sa mga nakaligtas. May mga ibinahagi ring litrato si Kanakan ng mga bangkay mula sa retrieval operations sa lugar.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 34 na ang patay sa Maguindanao, anim dito ay galing sa bayan ng Upi, isa mula sa Birira, at 27 mula sa Datu Odin Sinsuat.
Samantala, apat naman ang naitalang nawawala sa Maguinadanao, ayon pa rin sa report ng NDRRMC.
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.