SOUTH KOREA -- Dumarami ang mga modus o scam na nambibiktima ng mga Pinoy sa South Korea base sa tala ng Korea Statistics at pulisya. Hinihikayat ng mga otoridad ang mga Pinoy na maging mapagmatyag at huwag mag-aatubiling humingi ng tulong sa mga pulis.
Nitong Hulyo nang ilabas sa TFC News ang iba-ibang uri ng scam na nambibiktima ng mga Pinoy, nagpaalala ang Embahada ng Pilipinas sa South Korea sa mga kababayan natin na mag-ingat.
Maging ang mismong pulisya sa Korea…nagbigay rin ng babala. Lumalabas sa datos ng Korea Statistics at pulis, umaakyat ang bilang ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga Pinoy. Mula sa higit dalawandaan noong 2018, umakyat ito sa higit tatlongdaan noong 2019, at higit apatnaraan noong 2020 kung kailan matindi ang krisis sa pandemic.
“…after the COVID-19, of course everyone is really difficult economically, and there’s some new types of scams. Voice phishing, I mean the phone scam was not prevalent among foreigners before. It is usually targeting the locals, [like Koreans]. These days, some foreigners are being victimized because of [I think] their immigration status…another thing is SMS phishing, text phishing…one of the most common scams is still the online selling…In terms of online crimes, there are two aspects: online gambling and online job hunting as well,” pahayag ni Park Jincheol ng Foreign Affairs Section mula Seoul Yongsan Police Station.
“… another crime that is reported a lot is domestic violence. This is the crime Filipinos are prone to. As you know, a lot of Filipino[s] have settled in Korea and families by marriage and that is why the number [is] quite high,” dagdag naman ni Lee Sangjo ng Foreign Affairs Section, Seoul Yongsan Police Station.
Sa social media naman idinaan ng dating OFW na si alyas “Edward” ang paghingi ng tulong para mabawi ang ipinautang na mahigit 650 thousand pesos noong nasa Korea pa siya. Pinangakuan aniya siya na iinterasan ang kanyang pera ng 4% kada buwan o 48% na interes sa isang taon.
“…nung una sir, sabi nya investment…then pauwi na ako ng Pinas, kukunin ko na ang pera ko, hindi niya maibigay…,” sabi ni “Edward.”
Para sa utang na hindi nababayaran, mahalagang balikan ang oras at panahon na nagpahiram ng pera bago ito makunsiderang fraud o krimen.
“… if there was no capacity to pay or no willingness to pay back, that is a crime…if you think he keeps lying to you, you come to police station… and ask the police officer to start [the] investigation…,” paghihikayat ni Park Jincheol sa mga Pilipino.
2013 nang ipatupad sa Korea ang programang illegal presence waiver na humihikayat sa undocumented migrants na huwag matakot dumulog sa mga pulis sakaling mabiktima ng scam at iba pang krimen.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.