MAYNILA - Nasawi sa engkuwentro sa mga pulis sa Calamba City, Laguna nitong Huwebes ang isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na itinuturong pinuno ng sindikato ng droga sa probinsiya.
Sa report ng Laguna Police Provincial Office, nauwi sa barilan ang isinagawang buy-bust operation laban sa target na si Jail Officer 3 Joseph Rey Villegas, 49 anyos.
Ayon sa pulisya, si Villegas ang lider ng Villegas drug group na nagtutulak umano ng droga sa Calamba City at maging sa katabing Tanauan City, Batangas.
Isang priority high-value individual sa probinsiya ang suspek at nakatala pa umano sa drug watch list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dinala pa sa ospital si Villegas pero binawian ito ng buhay. Narekober sa suspek ang 9mm na baril na may marka ng BJMP, mga bala, isang plastik ng bag na may 10 sachet ng umano'y shabu at motorsiklo.
Ayon sa pulis, galing ang ibinebentang shabu ni Villegas sa mga high-value drug personality na nakadetine sa pinagtatrabahuan niyang pasilidad sa BJMP. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Teleradyo, Sakto, Tagalog news, jail officer Calamba Laguna killed, BJMP officer Calamba Laguna buy-bust, Laguna crime, Laguna drugs, Rodrigo Duterte drug watch list,regions,regional news